RECENT PUBLICATIONS |

Anong kulay ba ang watawat?
Elementarya pa lang ay itinuturo na sa bawat Pilipinong mag-aaral ang mga kulay ng watawat: asul, pula, dilaw, at puti. Bawat bahid, bawat hugis, ay may kani-kaniyang sinasagisag. Ngunit habang lumilipas ang panahon, unti-unti ring mapagtatanto na ang mga kulay na ito, sa halip na magbuklod, ay mas malaking hati pala ang dulot, kahit hindi naman dapat.
At ang pinakamaugong na halimbawa? Ang masaklap na reyalidad na imbes na bigkisin ng 1986 EDSA People Power Revolution ang bayan ng Pilipinas, ay mas napatingkad pa nito ang paksyon sa pagitan ng mga mamamayan: mga pulahan—maka-Marcos, makapangyarihan; at mga “dilawan”—maka-Aquino, ang oposisyon. Tagos hanggang Halalan 2022 ang pagsusuring ito nang mahati batay sa kulay ang mga Pilipino, na pinagunahan ng tambalang Marcos-Duterte (pula at berde) at Robredo-Pangilinan (rosas at berde).
Bagama’t namayagpag noon ang Marcos-Duterte o UniTeam, nahati rin ito ngayong Halalan 2025, kung saan lumitaw ang dalawang koalisyon: Alyansa para sa Bagong Pilipinas at Duter10 o PDP-Laban. Sa kabila ng ngayo’y umuusbong na hidwaan sa pagitan ng dalawang pulitikal na dinastiya, inendorso pa rin ni Bise Presidente Sara Duterte ang kapatid ni Pangulong Bongbong Marcos na si Imee Marcos sa pagka-senador. Higit pa rito, mismong si dating Bise Presidente Leni Robredo ay nagpahayag ng suporta sa dalawang kandidato mula Alyansa na sina Benhur Abalos at Manny Pacquiao. Pati ang mga party-list ng oposisyon ay nagkakagulo, tulad na lamang ng Bayan Muna at Akbayan na nagkaroon din ng iringan kung kailan papalapit ang botohan—isang tunggalian ng ideolohiya sa pagitan ng dalawang pangkat—mga repormista at radikal—kahit na pareho naman silang sa huli’t huli ay kinokondena ang pasistang estado. Walang malinaw na kampo sa pulitika, walang nagkakaisang oposisyon, at tila bawat isa ay naghahanap ng sariling pagkakakilanlan sa larangang ito.
Habang abala ang mga politiko sa palipat-lipat ng kampo, na tila ba naglalaro ng trip to Jerusalem, ang mga Pilipino ay naiiwang walang malinaw na pagpipilian o konkretong alternatibo. Mahirap bumoto para sa pagbabago kung ang mismong oposisyon ay watak-watak sa paglaban. Ang pag-asang may paninindigan sa mga partidong pulitikal ay dapat sana’y isang pamantayan—ngunit hindi ito ang reyalidad. Pinag-uusapan ang mga politiko na para bang bahagi sila ng matatag at prinsipyadong kampo, gayong sa totoo lang, sila’y mga tagapagtaguyod lamang ng kani-kanilang pansariling interes.
Pula, berde, bughaw, dilaw, hanggang rosas—lahat ng ito ay may sinasagisag, pero wala ni isa ang tunay na nagtataguyod ng pambansang pagkakaisa. Ang disillusionment ay lason sa kaisipan.
Sa harap ng marupok na mga institusyon at sa panahong ang mga partido ay tila nilikha sa pangalan at hindi prinsipyo, nawawala sa taumbayan ang kakayahan at karapatang humiling ng tunay na kahusayan at manabik para sa tunay na pagbabago. Sa halip, napipilitang makuntento ang mga tao sa tira-tirang pamumuno at madala sa lohikal na kamalian ng false dichotomy.
Walang kulay ang watawat. Hindi ito asul, hindi ito pula, hindi ito dilaw, at hindi rin ito puti. Hindi dapat natin tingnan ang pulitika bilang either/or, pro o anti, kaliwa o kanan, rebelde o sunud-sunuran. Masyadong umaasa ang mga Pilipino sa kulay na bitbit ng politiko, gayong para sa mga trapong ito, estratehiya lamang ito para pumatok sa madla. Hindi dapat hanapan ng kulay ang bandila, sapagka’t ang halaga nito ay naroon sa nagtatayo.
Originally published in Heraldo Filipino Volume 39, Issue 2



