RECENT PUBLICATIONS |

Nalilito ako sa in, on, at
Hindi naman talaga ako magaling. Kung may nag-iisip na ang pagiging Punong Patnugot ang magpapataas ng ihip ko, diyan ka nagkamali. Samakatuwid, ito ang nagturo sa aking magpakumbaba—ang mawala sa ere at manatiling nakapirmi sa lupa. Hindi ako magaling. Hindi ako dalubhasa sa wika. Nalilito ako sa in, on, at. Kung minsan, hindi ko mahanap ang tamang salita. Ngunit sa mundo ng pamamahayag, isang bagay ang malinaw: nandoon ako kung nasaan ang mga istorya.
Namulat ako sa mundo ng pagsusulat bitbit ang kagyat na pagbabakasakali. Baka rito, may talento ako. Baka rito, may future ako. Baka ito ang bubuo sa pagkatao ko—ang maging mas mahusay sa isang larangan kumpara sa iba. Marahil buhat na rin ng takot na maging medyo-cre—‘yung tipong medyo magaling pero hindi pinaka; medyo marunong pero hindi bihasa. Palaging medyo, pero hindi kailanman naging sapat. Nakakatakot kasing hindi mamukod-tangi sa isang bagay. Sa estado ng ekonomiya ng Pilipinas, nakababahala na lang isipin ang malunod sa anod ng pagiging katamtaman.
Totoo, magaling ako—batido kung maghabi ng mga salita na tila ba hibla sila ng sinulid; kung paano ko ginagamit ang mga tayutay sa bawat pahina na tila isang makata—matatas ang dila at malikhain ang diwa. Ang isyu lang, para sa akin, sa mga dati kong akda: halos walang katuturan. Kung bola pa—‘pag pinisil, walang laman.
Nabuhay ako sa paniniwalang may kalamangan ako pagdating sa larangang ito (kaya may pagka-metikuloso). Gusto ko, bawat linya at pangungusap ay mabulaklak. Pet peeve ko pa ang maling paggamit o baybay ng mga kataga. Alam ko kasi—o pinaniwala ko ang sarili ko—na mas marunong ako. Pero ngayon, natuto akong maunawaan na mayroong mga kuwentong higit pa sa kuwento ko.
Sa panahon ng modernong teknolohiya kung saan isang klik na lamang ang “perpektong” piyesa, mas mahirap nang hanapan ng puwang ang kahusayan sa semantika. Hahanap-hahanapin sa mga manlilikha ang namumukod-tangi nilang kakayahan—’yung abilidad na ‘di kayang makopya ng AI. ‘Yung ‘di matutumbasang halaga sa isang likha. ‘Yung puso.
Sobrang lawak at kumplikado ng wika. Kung paano ko pa lang isinulat ang kolum na ito, isang mabusising proseso na. Paano ba? Pormal? Parang nagkukuwento? May halong humor? Kapupulutan ng aral? Ewan ko rin, basta may puso.
Ang tunay na diwa ng kahusayan ay hindi nasusukat sa lalim ng mga kataga o kakakayahang makipag-bato-bato-pik sa balarila. Bagkus, ito ay nadarama. Sa pagsulat, hindi ka lamang lumilikha—nag-uudyok ka.
Ngayon, hindi na ako masyadong bilib sa mahusay sa pasikot-sikot ng wika; mas hinahangaan ko ang mahusay sa paksa. Dahil kung ako ang tatanungin, walang sinabi ang mga pinakadalubhasa sa gramatika kung nakalutang sa ere ang kanilang mga akda. Kung hindi nito nararating ang madla, para saan pa? Nasa pinakamabababa ang pinakamalalim na sugat ng lipunan, at tungkulin ko bilang manunulat ang patuloy na sariwain ang iniinda ng nagdurugong inang bayan.
Kaya ikaw, tanungin mo rin ang sarili mo: Kung wala ka sa pinangyarihan, nasaan ka para magsalaysay?
Nang mapabilang ako sa publikasyong ito, sapat na sa akin ang makitang mayroong akda sa ilalim ng pangalan ko—may kurot ng galak ang maisabuhay ang imahinasyon ko. Pero ngayon, aalis akong bitbit ang mahalagang aral:
Minsan, hindi nakalulugod ang pagsusulat. Kailangan mong sumulat kahit alam mong pinagmamasdan ka ng mundo. Kailangan mong sumulat kahit may halong poot at pagkadismaya sa paksang tinatalakay mo. Kailangan mong sumulat kahit takot.
Doon mo mapatutunayan na maling sukatan ang perpeksiyon. Maaari kang pumalya, pero hinding-hindi ka kailanman magkakamali sa daang tinatahak mo: ang maging daluyan ng kuwento para sa mga hindi mapakinggan, kahit pa kapalit nito ang pangalang pinakainiingat-ingatan mo.
Darating sa puntong magiging mahirap at mapapatanong ka kung para saan ba at ginagawa mo ito, lalo kung hindi naman naaayon sa kurso o sa kinabukasang inaasam mo. Minsan, mararamdaman mong para kang nakikipagbakbakan sa mundo. Pero kung bitbit mo ang mas malaking layunin, ‘yung higit pa sa sarili mo, susulpot ka sa bawat oras na kailangan ka, bitbit ang lapis at papel, handang magsulat—kahit mahirap.
At kung sa ngayon ay nalilito pa rin ako sa in, on, at, hayaan na—dahil tiyak ako sa isang bagay: hindi ako nalilito kung nasaan dapat ang manunulat.
Originally published in Heraldo Filipino Volume 40, Issue 1.


