Sulyap sa Imahe ng Niyebe

Tahimik. 

Iyan ang kalagayan ng kanilang tahanan ngayon. Kung ikukumpara sa ibang bahay—punô ng dekorasyon, umaapaw sa liwanag, at umaalingawngaw ang tawanan—parang mahirap paniwalaang sasapit na ang Pasko.

Isang buntong hininga ang kumawala sa labi ni Miracle. 

“Nauna lang naman silang mag-ayos,” sabi niya sa sarili. “May kaunting oras pa. Kung magsisimula na akong maglinis ngayon, makakapaghanda pa kami ni Inay para sa noche buena.”

Sa diwang iyon, sabik na pumasok muli si Miracle sa kanilang tahanan. Agad niyang dinampot ang maliit na basahan sa kabinet ng kusina at binasa ito sa gripo. Sinimulan niyang punasan ang  kanilang mga upuang kahoy, bago lumipat sa mga mesa, hanggang umabot sa mga istante. 

Ngunit sa gitna ng kaniyang pagpupunas, may nahagip ang gilid ng kaniyang paningin—isang pamilyar na bagay—at siya’y napatigil. Ito’y kaniyang nilapitan: isang snow globe na may pigura ng isang masayang pamilya, balot ng galak habang naglalaro sa niyebe. 

Bunsod ng kaniyang pagkamausisa, dinampot ito ni Miracle. Masigasig niya itong inalog at pinanood ang paglipad ng niyebeng nakapaloob. Sa dampi ng isang sandali, umikot ang kaniyang paningin kasabay ng bawat butil ng kumikinang na kristal, at sumunod ang biglang pagragasa ng mga alaala. 

“Lolo, Lola, Merry Christmas!” Dinig ang masayang bati ng isang bata. 

“Merry Christmas din, Apo,” tugon ng kaniyang lolo at lola. “Ang mga magulang mo, nasaan? Narito na rin ba ang mga tito at tita mo?”

Masayang tumango ang bata at tumakbo patungo sa kaniyang mga pinsang nauna nang dumating at nagsimula nang maglaro. 

Pumailanlang sa tawanan ng pamilya ang ingay ng mga bata sa labas. “Thank you, thank you, ang babait ninyo, thank you!”

Bahagyang sumilip sa bintana ang bata, kita ang pagkamangha sa kaniyang mga mata habang pinapanood ang mga itong  may mga gawang-bahay na instrumento bilang props sa kanilang pangangaroling. “Mama, gusto ko rin mangaroling,” pagmamakaawa niya sa ina.

Isang mahinang tawa ang naging sagot ng kaniyang ina, tila natuwa sa kagiliwan ng anak. “Sa susunod na. Tulungan mo muna akong maghanda ng noche buena natin, Anak.”

Bagamat bahagyang ngumuso sa tugon ng ina, sinunod pa rin ito ng anak at kumilos na upang tumulong sa pag-aayos ng mga gagamiting kasangkapan.

Sa kabilang banda, dinig ang pabirong tanong ng isa pang bata, “Ninong, pamasko ko po?” 

“Aba, bukas pa ang Pasko, ah? Dinadaya mo yata ako,” tugon ng kaniyang ninong. Napatawa ang inaanak, ngunit patuloy pa rin itong nangulit para sa kaniyang aguinaldo. 

Sa ibang kwarto naman, nagkumustahan ang magpipinsan. 

“Anong ganap mo ngayong linggo?” pabungad na tanong ng bata.

“Nag-Simbang Gabi ako,” tugon ng pinsan, bakas ang yabang sa boses.

“Wow, nakumpleto mo?” namamanghang tanong ng pinakabata. 

“Oo naman, ako pa?”

“Ano’ng hiniling mo?”

“Sikreto na ‘yun, ‘no! Baka hindi magkatotoo, eh.”

Sasagot pa sana ang bata, ngunit mula sa sala ay tumawag ang kanilang mga magulang, “Mga anak, halina kayo rito!”

Nagtinginan ang magpipinsan bago sabay-sabay sumigaw, “Kainan na!”

Masayang nagtipon ang pamilya sa isang malaking hapagkainan. Sa bakas ng mga putahe—hamon, spaghetti, lechon, shanghai, at marami pang iba—ramdam ang sigla ng Pasko. Puno ng tawanan, kuwentuhan, at kumustahan ang mesa, at nagliliwanag ang mga ngiting abot sa mata. Talagang walang tatalo sa diwa ng Pasko ng Pinas—

“Anak.”

Nabalik sa reyalidad si Miracle. Kusa siyang ngumiti—matamis ngunit may aninag ng hapdi. “Ma.”

“Halika na? Magno-noche buena pa tayo.”

“Masaya ka ba, Ma?” 

Bahagyang nagulat ang kaniyang ina, ngunit nanatili ang nakapapanatag nitong ngiti. “Oo naman, ‘Nak. Bakit napatanong ka?”

Sa kabila ng pag-aalinlangan—marahil hindi ninanais na masira ang diwa ng sandali—sumagot si Miracle, “Wala, Ma. Naisip ko lang dahil iba ang Pasko natin ngayong taon kumpara sa mga Pasko natin noon.” 

Sandaling napatigil ang kaniyang ina bago bitawan ang sumusunod na mga salita—mga salitang magpapamayapa sa bigat ng puso ng kaniyang anak.

“Miracle, hindi naman nakabase ang kasiyahan ko sa dami ng tao o ingay ng ating tahanan. Kahit ibang-iba ito sa ating nakasanayan, malaking pasasalamat ko pa rin na ipagdiriwang natin ang Pasko nang magkasama.”

Pinatatag ng kaniyang ina ang kalooban ni Miracle. Bawat sambit ay hitik sa pag-ibig at kalinga, tila isang heleng humahaplos sa kaniyang mabigat na dibdib. Sa isang tinging tanging ina lamang ang may kakayahang magbigay, naiparamdam niya ang pagkapanatag. At sa pagsulyap sa mukha nito, taos-pusong naniwala si Miracle na lahat ay malalagpasan.

“Masayang-masaya ako na kasama kita, Anak. Ikaw nga ang milagro ng buhay ko, ‘di ba? Kaya iyon ang ipinangalan ko sa’yo.”

Lumapit si Miracle sa kaniyang ina at kaniya itong niyakap. Sinuklian ito ng kaniyang ina. Itinago ni Miracle ang kaniyang ulo sa leeg ng ina at maya-maya pa’y naramdaman na ng kaniyang ina ang unti-unting pamamasa ng kaniyang balikat. Bahagya itong humagikhik.

“Bakit naluha ka na riyan, Anak? Dapat nga’y masaya tayo dahil ipagdiriwang na natin ang Pasko, oh.”

Agarang umiling si Miracle na nagtatago pa rin sa leeg ng kaniyang ina.

“Hindi ah! Pinawisan lang ang mga mata ko, Ma.”

Tuluyan nang nailabas ng ina ang kaniyang tawa at mariing hinaplos ang likod ni Miracle. 

“Ay ‘sus, ang anak ko talaga. Sadyang iba lamang ang landas ng buhay. Huwag ka nang magpabagabag dahil kasama mo naman ako.”

Sa paglipas ng panahon, nagbago na ang kulay at ingay ng kapaskuhan sa kanilang tahanan: Wala na ang dagsa ng mga bisita at ang mahabang mesang puno ng iba’t ibang putahe. Malaki na ang pinag-iba ng kanilang Pasko noon at ngayon, ngunit sapat na para kay Miracle ang ipagdiwang ito na kasama pa rin ang kaniyang ina. 

 

Art slider by Alexandra Asuncion 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *