RECENT PUBLICATIONS |

Pakikibakasakali
Naaalala ko noong nasa elementarya pa ako, sikat na paksa sa mga pagsasanay para sa Division Schools Press Conference (DSPC) ang Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam, na mas kilala bilang pork barrel scam. Naging mainit na usapin ito dahil sangkot ang ilang miyembro ng gobyerno sa maling paggamit ng pondong nakalaan para sa mga proyektong pangkaunlaran. Sa halip na mapunta sa mga benepisyaryo, ang pondo ay pinaghati-hatian ng mga tiwaling opisyal at pribadong indibidwal—isang katiwaliang nagpasiklab ng matinding galit ng publiko at kalaunan ay nagdulot ng pagpapawalang-bisa sa PDAF system.
Sa totoo lang ay hindi ko masyadong naintindihan ang mga detalye, lalo’t sampung taong gulang pa lamang ako noon. Ngunit, bagama’t hindi malalim ang pagkakaintindi, malinaw pa rin sa akin ang naramdamang pagkasiphayo. Itinuro sa atin sa Araling Panlipunan (AP) na ang gobyerno ay binubuo ng mahahalagang tao sa lipunan—na binoboto sila ng libo-libong tao dahil nagtitiwala sila sa mga ito. Pero lahat ng leksyon, sa puntong iyon, ay nawalan ng saysay. Ang siyang dapat na tumutulong sa ating umangat ay sila mismong nagiging dahilan ng ating pagkagipit.
Gano’n pala. Kahit wala kang kaalaman sa kung magkano, kung sino-sino ang sangkot, at kung bakit nila nagawa ang pandaraya, sa puso pala ang tama ng balang kung sino pa ang lumalaban ng patas, sila pa ang lugi. Sapat na ang simpleng kaalamang nadaya ako para magalit. Nang makita kong hindi tugma ang mga nasa libro at katotohanan, natuto ako. Natutuhan kong hindi patas ang laban, pero kailangan pa rin nating lumaban.
Pakikisama, pakikiisa, at paninindigan
Ang pakikisama ay isang value na isinasaloob ng bawat Pilipino, ayon sa Sikolohiyang Pilipino. Ito ang pakikihalubilo natin sa iba upang mapanatili ang maayos na ugnayan. Kung maihahantulad ko ang dati kong pagkakaintindi sa pakikisama, ito ay ang hindi paglaglag sa kaklase kahit na nakita mo siyang nandaya, sa kadahilanang makakasalamuha mo pa siya bukas at iniiwasan mong magkaroon kayo ng alitan. Ngayon, nakikita ko na ang manipestasyon ng halimbawang ito sa pagsang-ayon sa ginagawa ng mga korap kahit harap-harapan na tayong pinaglalaruan ng mga ito. Ito ay nasa galit sa mga raliyista dahil rebellious sila. Ito ay nasa pagkampi sa mga mararahas na panghuhuli ng kapulisan dahil “pinoprotektahan lang naman nila tayo” at “ginagawa lang nila ang kanilang trabaho.” Ngunit, ang pakikisama ay iba sa pananahimik.
Naniniwala ako na ang tunay na pakikisama ay pakikiisa para sa ikabubuti. Ang mga pagpapahalagang sumasaloob sa atin ay dapat sumasalamin din sa pagmamalasakit sa kapwa. Higit sa lahat, dapat ay may tapang tayong makibaka para sa kapwa.
Paniniwala sa pagbabago
Madalas kong marinig na kaya hindi naniniwala ang iba sa pakikibaka ay dahil “wala namang nagbabago.” Marami pa rin ang naghihirap sa likod ng patuloy na pagsigaw ng mga makamasa. Pero kailangan nating isipin na ang kawalan ng pagbabago ay kaakibat ng kawalan ng pagkilos. At kaya walang nakilos ay dahil kampante na silang hahayaan lang natin sila. Kaya’t bawal natin silang gawing kampante. Kung panghihinaan tayo ng loob ay lalong walang mangyayari.
Maraming gumagamit ng salitang resilient tuwing may kalamidad. Pero ang tindi ng bagyo ay pinalulubha ng mga proyektong napako. Diyos man ang nagpaulan, tao ang nagpabaha—at tao rin ang makakapatid sa agos ng kawalang-malasakit.
Pagpapatuloy ng paghilom
Sana ay hindi tumigil ang mga Pilipino sa paglaban. Maganda ang Pilipinas. Malinaw at puno ng mga pagkaing-dagat ang ating karagatan. Sagana sa sari-saring ani ang ating kalupaan. Ngunit kung sino pa ang tunay na nangingisda at nagbubungkal ay sila pang patuloy na naghihirap. Ayon kay Priam Nepumoceno ng Philippine News Agency (PNA), naapektuhan ng Bagyong Uwan ang 12,993 na magsasaka at mangingisda. Dahil sa pinagsamang agrikultura at imprastraktura, umabot na sa mahigit P4 bilyon ang pinsala ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Samantalang ang mga nakatataas na nangakong tutulong ay lumalago sa yaman; dumadamot. Ayon kay Joahna Lei Casilao ng GMA Integrated News, inakusahan ni dating Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co si President Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na nakatanggap umano ito ng 25% mula sa P100 bilyon “fund insertions” bilang kickback sa flood control projects. Kasama si dating House Speaker Representative Martin Romualdez, sinasabing pumapatak sa P56 bilyon ang natanggap nila bilang kickback.
Apat na bilyong kawalan dahil sa umano’y isang daang bilyong nakaw. Hindi ba’t ang laking sampal na ang pera ng bayan na ating pinaghirapan ay napupunta sa mga makapangyarihang kumakain sa magagarbong kainan. Samantalang ang mga magsasaka at mangingisda na mismong nagpapakain sa atin ay isang kahig, isang tuka.
Kaya’t tama na ang pananahimik. Sa bawat sigaw ng masa, may pag-asa. May pag-asa ang bayan dahil nakikita nating marami na ang sumasali sa pakikibaka. Unti-unti man ay dahan-dahang nakikiisa at naniniwala ang mga tao na ang boses natin ay maririnig. Karapatan natin ang madismaya, at mas lalong karapatan natin ang magalit. Hangga’t walang nagbabago ay walang mananahimik. Madadagdagan pa ang mga gustong marinig.
***
Totoo nga na “ang namulat ay hindi na pipikit.” Hanggang ngayon, makalipas ang halos sampung taon, dala ko pa rin ang patuloy na pagkadismaya sa sistemang panlipunan. At nakatutuwang mapansin na dumarami ang mga taong namumulat at nagsasalita sa sakit ng lipunan—ang katiwalian. Marami na ang namatay, nakawawa, at nahihirapang bumangon sa lagnat na dala nito. Sawa na ang mga Pilipino. Sigaw ng bayan ay iisang panawagan: hilumin ang sakit, ngunit huwag patayin ang init ng pakikibaka—pakikibaka sakali.
Art Slider by Maria Isabella dela Chica
Originally published in Heraldo Filipino Volume 40, Issue 1.



