Utak Ang I-Factory Reset!

Kahit ako’y titibo-tibo,
Puso ko ay titibok-tibok pa rin sa’yo.
Isang halik mo lamang at ako ay tinatablan,
At ang aking pagkababae ay nabubuhayan.

Marami sa atin ang nakarinig na sa mga lirikong ito, lalo na’t muli itong sumisikat sa social media. Hango ang mga katagang ito sa kantang “Titibo-tibo” ni Moira Dela Torre, isa sa mga pinakatanyag na musikera sa bansa. Para bigyang konteksto, isinasalamin ng kanta ang isang babaeng maangas, siga kung umasta, at lalaki kung manamit—isang “tibo,” kung bansagan. Ngunit nang siya ay umibig sa isang lalaki, ang dating titibo-tibo ay tila naging dalagang marahan kumibo. 

Naglipana sa TikTok at Facebook ang mga bidyo ng mga gay men at lesbians na nakaranas umano ng “factory reset,” mga dating nakipagrelasayon sa kaparehong kasarian na ngayo’y umiibig sa kasalungat na kasarian. Ang mga bakla na dating suki ng mga pageant, suot ang magagarbong gown, pulidong kolorete, at naghahabaang mga buhok—ngayo’y naka-sando, maskulado, at kasama ang kasintahang babae na sinasabing sa kaniya’y nagpabago. Mayroon ding mga “tibo” na nakisabay sa trend: ang dating siga ay naging Maria Clara; mula sa maong na pantalon, ngayo’y nagsusuot na ng bestida, na-“factory reset” ika nga nila. 

Kabulastugan at kabastusan

Para sa ilan, nakakatuwang pakinggan ang kanta ni Moira, gayundin ang makakita ng mga factory reset videos sa kanilang feed. Sa mata ng mga heterosexual o “straight”—lalo na ng mga relihiyosong matagal nang pinandidirihan ang kabaklaan—ito ay magandang balita. Ngunit para sa mga miyembro ng LGBTQIA+ community, gaya ko, hindi ito nakakatuwa. Nakakagalit. Tiyak na gagamitin ito laban sa amin. 

Sa kasalukuyang kalagayang panlipunan, tayo ay pang-katatawanan lamang. Ang respeto at dangal ay tila pribilehiyong kailangang ipaglaban. Sa pamantasang kinabibilangan ko, laganap ang mga gurong nagtuturo ng aral ng Diyos, pero daig pa si Hesus sa tindi kung manghusga.

Ang ganitong paksa ay hindi na bago sa atin, sapagkat makikita ito sa mga palabas sa telebisyon. Naitampok ang relasyon ng isang gay at lesbian sa Magpakailanman noong 2019, gayun na rin sa ToniTalks noong 2024. Tila marami ang nagtataka sa pag-iibigang ito pagkat umani ito ng milyon-milyong views. Gayun na rin ang mga bidyo ni Chardie B sa Facebook, kung saan ang mga magkasintahan na natampok ay umabot sa libo-libong mga reaksyon.

Oo, sexuality is fluid. Sa madaling salita, ang atraksyon ay maaaring magbago at hindi laging nakatali sa iisang direksyon. Sa aking pakiwari, maaaring ang ilang tinaguriang  “factory resetcouples ay nasa proseso pa ng pagkilala sa  kanilang sekswalidad. Maaaring pinili lamang nilang huwag ikulong ang sarili sa nakasanayang label ng kasarian. 

Gender is a spectrum. Maraming kasarian ang kinabibilangan ng bawat isa at marahil ang mga taong sumali sa trend na ito ay kinikilala ang kanilang sarili bilang bisexual, pansexual, o gender fluid. Malawak ang konsepto ng sekswalidad, ngunit ito ay nagiging makitid sa paniniwalang lalaki at babae lamang ang “normal.” Sa ganitong pag-iisip,  binubura nito ang iba pang pagkakakilanlan na hindi umaangkop sa hulma ng lipunan.

Ang hindi ko matatanggap ay ang paggamit sa mga kuwentong ito upang ipakitang ang pagiging bakla ay maaari pang isalba. Kung inyong babasahin ang komento sa mga nabanggit na bidyo, laganap ang katagang “May pag-asa pa”—mga katagang nagpapahiwatig na ang kabaklaan ay tila isang sakit na kailangang gamutin upang mawala.

Ito ay kabulastugan at kabastusan sa pagkatao ng mga miyembro ng komunidad. Ang pagiging bakla ay hindi kailanman kawalan o kabawasan sa dangal ng isang tao. Nakakalungkot isipin na maging ang ilang “factory reset” couples at LGBTQIA+ content creators ay umaayon na rin sa ganitong mapanirang naratibo. 

Bakla, laban na!

Hindi lamang ako ang nakakapansin sa mga pambabastos, pambabatikos at maling pag-iisip na dulot ng trend na ito. Nang makausap ko ang aking mga kaibigang bahagi ng LGBTQIA+ community, malinaw ang kanilang sentimyento: hindi rin sila natutuwa. 

Ayon kay Kyrelle Dianne Tolete, isang pansexual at kasalukuyang nag-aaral ng abogasya sa San Beda University, “This ‘factory reset’ trend does more harm than good towards the LGBTQIA+ community. Ang ibang mga tao, lalo na ang mga tutok lagi sa social media, iniisip nila na ang pagiging bakla ay isang phase lang, na p’wede pa siyang mabago kapag tumanda.”

Ang Pilipinas ay maituturing pa ring konserbatibo lalo na sa usapin ng homosexuality. Patunay rito ang mga salita ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla noong 2022, “Sabi nga natin, eh, culturally, our values may conflict with many of the values that they want to impose on us… We are not ready for that. Culturally, we are not ready for that.” Ang mga ganitong pahayag ay nagpapatunay sa naging obserbasyon ni Kyrelle at nagbibigay-daan upang maging katanggap-tanggap ang diskriminasyon.

Sa tuwing nakikita ko ang mga factory reset couples, magkahalong lungkot at panghihinayang ang aking nararamdaman, ngunit sino nga ba ako para sila ay diktahan—kung akin iyong gagawin, wala rin akong pinagkaiba sa mga taong aking kinasusuklaman. Gayundin ang sentimyento at  nararamdaman ni Micha Anne Rivera, estudyante ng AB Communication sa De La Salle University – Dasmariñas (DLSU-D), “As much as I respect their preferences, I believe ‘factory reset’ isn’t the right term for it. It does give an impression of being part of the LGBTQIA+ community is a defect to their identity.”  

Kung ating uusisain ang estado ng karapatang pantao ng mga LGBTQIA+ dito sa Pilipinas, nakakadurog, nakakagalit, at nakapanlulumo ang ating sitwasyon. Mayroon mang mga batas tulad ng Republic Act (RA) 6725 na nagbibigay proteksyon sa kababaihan laban sa diskriminasyon, ngunit nananatiling limitado—o halos wala—ang proteksyon para sa LGBTQIA+. Ang Anti-Discrimination on the Basis of Sexual Orientation, Gender Identity and Expression o SOGIE Bill (Senate Bill No. 689), na naglalayong bigyan kami ng proteksyon ay hindi pa rin naisasabatas kahit mahigit 20 taon na ang nakalipas ng ito ay isumite sa Kongreso. Hanggang ngayon ay nagdurusa pa rin ang aming komunidad sa mga pambabatikos at panghuhusga, at idagdag pa rito na ang “factory reset” trend ay ginagamit panakip-butas sa kanilang homophobia. Saksi na rito si Micha, “They even told me to strengthen my faith or even ‘eat healthier’ to fix my identity.”

Gayunpaman, sa gitna ng poot na tila ba’y pinapaulan sa atin na para bang bala, maaari nating tanggalin ang tanikala na bumibigkis sa mata ng iba. Anumang balakid ang ating kakaharapin, alam kong atin itong malalampasan tungo sa makulay na kinabukasan ng mga baklang lumalaban. Sa gitna ng mga naglipanang factory reset videos, maaari natin itong tapatan, “Express themselves more! Whether in real life or on social media. Let people comprehend that factory reset is not a mere trend of ‘going back’ to heterosexuality, nor should it be confused as an invalidation for genderfluid people. Deadma sa mga haters!” ani ni Kyrelle. Ang pagiging proud sa sarili—anuman ang iyong kasarian—ang ating magiging sandata at protesta laban sa mga mapaniil na mga mata ng kasalukuyang panahon.

***

Ang bawat isa sa atin, anuman ang kasarian at sekswalidad, ay nagnanais mabuhay nang patas at may dignidad. Hindi kailanman kamalian ang pagiging bakla—mahinhin man o maskulado, matinis o malalim ang boses, o anuman ang estilo ng pananamit. Kami ay mga tao at mga mamamayang hindi kailanman nararapat tapakan o gawing katatawanan. 

Sa huli, hindi kasarian ang kailangang kumpunihin. Hindi ang aming pagkatao ang dapat baguhin, kundi ang baluktot na imaheng nabuo sa isipan ng madla at lipunang puno ng poot. Hindi tao, kundi utak, ang dapat i-factory reset

 

Litrato ni Emmanuel II Hoylar 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *