RECENT PUBLICATIONS |

Sagad sa krudo, salat sa kita
Maituturing na malaking bahagi ng kulturang Pilipino ang pagsakay sa tradisyunal na jeepney. Sining, kultura, maging ang madiskarteng pag-arangkada ng mga drayber ay nasasalamin dito—kasabay ng ingay ng kalye, usok ng tambutso, at panawagan ng mga komyuter. Para sa mga estudyante, ito ang pinakaabot-kayang transportasyon. Ngunit sa likod ng bawat biyahe, may mabigat na pasan ang mga tsuper sa bawat pasada.
Sa patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo ngayong taon dala ng tensyon sa Gitnang Silangan, lalo itong nararamdaman sa kalsada. Bilang bansang umaasa sa inaangkat na langis, bawat galaw ng presyo sa pandaigdigang merkado ay direktang tumatama sa arawang kita ng mga tsuper. Higit silang naiipit sa humihinang ekonomiya nang suspendihin ng pamahalaan ang pagtaas ng pamasahe. Layunin man nitong maibsan ang gastos ng publiko—partikular sa mga pasahero—naiwan sa alanganin ang mga tsuper: umaandar ang makina, ngunit hindi tiyak ang uwi.
Init ng biyahe, lamig ng kita
Hindi man lumagpas sa anim na kilometro ang biyahe mula Binakayan sa Kawit hanggang palengke ng Imus kung ihahambing sa Baclaran hanggang Area C sa Dasmariñas, walang pinagkaiba ang kuwento ng mga tsuper. Kasabay ng alinsangan ay ang sugal ng pamamasada—kung mababawi ba ang puhunan sa buong maghapon. Sa diskarte na lamang dinadaan upang magkasya ang naiuwing barya.
Ang mga tsuper na dumadaan sa Medicion sa Imus ay may kaniya-kaniyang istilo upang makaraos. Ilan sa kanila ay nagre-“regare” o ang pag-usad nang dahan-dahan sa bawat kanto upang makasakay ng pasahero. Tumitigil sila nang higit sa limang minuto, nanghihinayang na bumiyahe nang hindi puno ang jeep dahil sa mahal ng gasolina.
Habang ang iba naman ay napipilitang magbayad ng ‘butaw’ o pwesto sa terminal para makasigurado ng sakay. Karaniwan na itong ginagawa ng marami upang mapuno ang bawat biyahe, kapalit ng magkahiwalay na bayad sa pwesto at dispatcher na nagtatawag ng pasahero.
May pagkakaiba man ang paraan ng paghahanapbuhay, iisa ang panawagan ng mga drayber:ang makahingi ng ayuda at mabago ang unang panukala ng pangulo.
Sa bawat pag-arangkada, hindi lang mga pasahero ang kailangan isakay, kundi pati ang sistemang hindi kayang magbigay ng sukli pabalik.
Dahil sa taas ng gastusin sa krudo, iisa lang ang tanong na naiiwan: hanggang saan aabot ang ₱100-₱150 na kakarampot na kita sa loob ng isang araw?
Litrong kapos sa kinabukasan
Nitong mga nakaraang mga buwan, muling sumipa ang presyo ng diesel. Mahigit ₱6.00-8.00 ang maaaring itinaas nito kada litro. Bunga nito ay nahati ang kinikita ng mga drayber: barya para sa pamilya, at bulto para sa panibagong karga kinabukasan. Sa patuloy na pagbabago ng presyo, nadaragdagan din ang pagod at sakripisyo ng mga tsuper.
‘‘‘Yung presyo ng gas noon at ngayon, hindi lang 100%—[parang] 150% [ang itinaas],” ayon kay Vince Clark, tsuper sa Imus. Ipinaliwanag niya na ang bawat pisong idinaragdag sa presyo ng langis ay malaking kabawasan sa kaniyang kabuhayan. Sa kaso ni Vince, pagmamay-ari niya ang minamanehong jeep kaya’t hindi na kailangang magbayad ng boundary—isang pasaning karaniwang kumakain sa kalahati ng kita ng ibang tsuper.
Pilit silang kumakapit sa pag-asang babalik sa dati ang presyo kapag humupa na ang pandaigdigang tunggalian. Ngunit ayon kay Department of Energy (DOE) secretary Sharon Garin, maaaring hindi na bumalik ang presyo ng gasolina sa ₱60 kada litro. Aniya, bagama’t maaaring bumaba ang presyo kung matapos ang giyera, ang pinsalang idinulot nito sa mga pasilidad ay magpapatagal sa pag-aayos ng supply. “Bababa man, hindi kasing bilis [tulad] nu’ng pag-akyat [ng presyo],” paglilinaw niya—isang pahiwatig na ang krisis na pasan ng mga drayber ay hindi agad matatapos.
Pag-ikot ng gulong, pag-igting ng sinturon
Para kay Richard, tsuper mula Binakayan, pamilyar ang kaniyang sitwasyon. Aniya, tila nakakasakal na sa dami ng gastusin dahil sa patuloy na pagtataas ng presyo ng gasolina habang nananatiling pako ang pamasahe. “‘Yung kinikita namin, parang kalahati na lang ang natitira,” pagbabahagi niya.
Sa kabila nito, hindi rin sapat ang pagdami ng pasahero para maibsan ang gastusin sa buong araw. Dumami man ang sakay—maging ang mga komyuter na kusa nang hindi kumukuha ng sukli—nananatiling salat pa rin ang kita. Sa puntong ito, napipilitan na siyang hindi bumiyahe sa loob ng isang linggo upang makaiwas sa pagkalugi. “Minsan hindi nakaka-biyahe dahil napupunta lang sa gasolina ‘yung kinikita namin,” dagdag pa ni Richard, na aminadong mas malaki pa ang ibinabayad sa diesel kaysa sa naiuuwi para sa pamilya.
Upang makatipid sa krudo, pinipili na lamang niyang pumipila sa mga terminal kaysa mag-ikot sa kalsada—isang diskarte para lamang may maiuwi sa dulo ng araw. Ang pagmamaneho ng jeep na noon ay sapat na, ngayon ay nangangailangan na ng overtime para lamang may maitabing ipon Ngunit ang bawat araw na pinili nilang huwag pumasada para makatipid ay may mas malalim na kapalit: hindi lamang ang makina ang tumitigil, kundi ang mismong kakayahang nilang magtaguyod ng buhay.
Tugon o pansamantalang lunas?
Tunay na hindi lang ang mga tsuper ang humaharap sa krisis. Sa kabila ng mga dagdag na tulong mula sa publiko. May ilan, tulad ni Myra San Miguel na naunawaan ang karanasan ng mga tsuper sa gitna ng pagtaas ng presyo ng petrolyo at pinipiling hindi na kunin ang sukli.
Ayon kay San Miguel, ramdam ang hirap sa pagsakay dahil sa banta ng mga welga at pagtigil-pasada ng mga drayber na dehado sa gastusin. “Simula noong nagtaas ‘yung presyo, hindi na ako kumukuha ng sukli. Kung ano binayad ko, ‘yun na,” pagbabahagi niya. Bagama’t ang komyuter ang naging unang prayoridad ng pamahalaan, makikita sa laylayan ang napagkakait na piso sa naging pasya ng Pangulo.
Isa si Kuya Angelito sa pilit na umiintindi sa kasalukuyang sitwasyon. Dahil sa pagsunod ng batas hinggil sa pamasahe, aminado siyang halos wala na silang maiuwi para sa pangunahing pangangailangan gaya ng bigas. “Nanawagan din po kami—kasama ng mga [kapwa] driver namin—sa gobyerno na kami po ay hirap na,” hinaing niya.
Para kay Angelito, tila natutuyuan na sila ng krudo bago pa man makapag-abot ng sapat na pang-gastos sa pamilya. Nagdulot man ng mabuting epekto ang hindi pagtaas sa pamasahe para maprotektahan ang mga minimum wage earners at mapanatili ang mobility ng publiko, naiwan namang nakikibaka ang mga drayber sa pagitan ng pagsama sa mga rally at pinagkakasiya sa karampot na kita.
Binigyang-diin niya na bagama’t naiintindihan ang layuning huwag magalit ang taong-bayan, ang mga drayber ang naging sakripisyo sa gitna ng krisis. “Dapat maging sistema nila ang magbigay ng ayuda,” saad niya, bilang pagkilala na ang kasalukuyang kita ay hindi na makatarungan para sa kanilang hanay.
Sa likod ng pag-unawang ito ay tahimik na pagtanggap—sa bawat biyahe, may pangkat na nanatiling nakabaon sa katotohanan: ang patuloy na umaasa sa pagtitiis upang mapagaan ang pasanin ng nakararami. Dito umusbong ang mas malaking dagok—na ang pag-agapay ng iilan ay pansamantalang solusyon sa krisis na dapat sana’y tinutugunan ng sistemang matatag at patas.
Umabot man ang tulong o ayuda, hindi nito matatakpan ang mas malalim na suliranin. Hindi sapat ang solusyong nakasandig sa kabutihan ng iilan; kinakailangan ang pagbabagong tumutugon sa sistematikong ugat ng problema. Kasabay nito ang panawagan na tanggalin ang value-added tax sa petrolyo at ang pagsusulong ng mabisang paggamit ng enerhiya—mga hakbang na dapat magmula sa bawat indibidwal hanggang sa pambansang polisiya upang mabawasan ang pagkonsumo sa mamahaling krudo.
***
Habang unti-unting humihinto ang jeep sa harap ng mga nag-aabang na komyuter, nasasalamin sa bawat sasakyan ang isang bayang malikhain at may mahabang kasaysayan ng pakikibaka. Hindi lamang ito simpleng biyahe—ito ay kwento ng katatagan at tiyaga ng uring manggagawa, kung saan maging ang pasaherong nakasiksik sa loob ay bahagi ng daloy ng ekonomiyang hindi tiyak ang patutunguhan.
Marapat itong tugunan ng pamahalaan bilang pagkilala sa nagpapatuloy na pakikibaka ng mga tsuper. Ang karatulang nakasabit sa unahan ng jeep ay hindi lamang nagtuturo ng direksyon—ito ay paalala ng tungkulin ng lipunan sa mga manggagawa nito.
At sa gitna ng ingay ng makina at usok ng biyahe, nananatiling tumataginting ang tanong: hanggang kailan kakayanin ng mga hari ng kalsada ang isang pasada na kulang ang sukli?



