Panginoon, Patawarin Mo Sila

Sa ngalan ng Ama, ng Anak, at ng aking sariling kapangyarihan. Amen.

Panginoon, pinagmasdan ko kaninang umaga ang mga makasalanan Mong anak mula sa bintana ng aking sasakyan—pawang uod ang kanilang mga aninong gumagapang at naglilipana sa kalsadang ipinagawa ko. Inaamin ko sa Inyo na lubha akong nagkasala sa isip, sa salita, sa gawa, at sa aking pagkukulang—pagkukulang sa pagkontrol sa mga peste kaya sila dumami at nagkalat sa aking ari-arian. Marumi, maingay, masyadong marami. Ang kanilang pagtipon sa harap ng aking gusali ay isang malaking ugong na sumisira sa payapa kong hapon. Kaya narito ako ngayon, nananalanging ‘wag Niyo sana silang pagmalupitan.

Pinagdarasal ko ang mga batang natutulog nang dilat ang mata dahil sa gutom habang ako’y nagpapakawili sa pista. Panginoon, patawarin Mo sila sapagkat hindi nila alam ang kanilang ginagawa.

Pinagdarasal ko ang mga pesanteng inaagawan ko ng lupa upang pagtayuan ng aking mga gusali, na ngayo’y nagmamakaawa para sa kahit isang dakot ng palay. Bigyan Mo sila ng makakain sa araw-araw. Panginoon, patawarin Mo sila sapagkat hindi nila alam ang kanilang ginagawa.

Pinagdarasal ko ang mga pamilyang tinuldukan ko ang kuwento bilang kabayaran sa kanilang mga kasalanan—bukod-tanging krimen nila ay ang pagiging maralita sa lupang pinaghaharian ko. Panginoon, patawarin Mo sila sapagkat hindi nila alam ang kanilang ginagawa.

Kaawaan Mo sila, Panginoon ko, at ipagkaloob Mo ang kapayapaang hindi nila mahahanap sa mundong ito. Ibigay Mo sa kanila ang kapahingahang walang hanggan—upang hindi na sila muling matutong magrebelde, hindi na muling magreklamo, at hindi na muling humarang sa aking landas.

Lahat ng ito’y itinataas ko na sa Inyo sapagkat wala akong balak gawin upang tulungan sila. 

Amen.

Art by Alexandra Asuncion 

Originally published in Heraldo Filipino Volume 40, Issue 2

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *