Compare and Contrast: Tao v Bantayog

Matapos pumanaw ni Lola, saan ba siya nagtungo?

Oo, sa kabaong na labindalawang taon pinag-ipunan ni Inay, at matapos ay sa ilalim ng lupang tatapakan lamang ng kung sino-sino. Pero ang totoo… kagabi, nagtungo siya sa ’king kuwarto at pumasok sa panaginip ko.

‘Di naman ako kailanman naniwala sa multo. Bata pa lang ako, sinasabi na ni Inay, “To see is to believe.” Ganiyan mag-isip ang Inay na maagang bumukod kay Lola matapos nilang magtalo tungkol sa lagnat niya. ‘Di naman sa ayaw ni Lola sa nilalagnat; ang problema lang ay dinala niya si Inay sa albularyo para guminhawa ang pakiramdam. Ngunit kahit magkaiba ang kanilang mga pananaw, alam kong mahal ni Inay si Lola at gayundin si Lola kay Inay. Kaya niya siguro ako dinalaw noong nakaraang gabi.

Ang nakapagtataka lang, hindi siya kumibo ni isang salita man lang. “Lola, ikaw ba ‘yan?” dahan-dahan kong tanong sa kaniya. Ihip lamang ng hangin ang narinig kong tugon.

Hindi rin siya gumalaw ni isang hakbang. Dahil yata nanginginig ang aking mga binti, pero hindi ko rin siya nilapitan. Maaaring siya’y kumurap o kumindat, pero sa pagitan naming dalawa, hindi ako makatitiyak.

Ilang segundo, minuto… araw… linggo, buwan––taon? Ilang taon ang lumipas, at sa wakas ay gumalaw ang kaniyang mga binti. Bigla siyang naglakad, at sa bigat ng kaniyang mga hakbang, alam kong patungo siya sa lugar na nais niyang marating. Wala na akong nagawa kundi sumunod. Bawat liko, akyat, at baba ay aking kinabisado. Hindi ko rin malilimutan ang kiliti ng damo sa aking mga binti, ang pagtapik ng ulan sa aking balikat, ang hininga ng araw sa tuktok ng aking ulo––paano, sa panahon na patuloy ko lang sinundan si Lola, ‘di siya kailanman nagsalita. Ano pa ang natitirang maaari kong isaisip? Kung hindi talaga siya gumalaw, aakalain kong isa lamang siyang bantayog ng taong minsan ko nang nasilayan.

Marahil, pagsapit ng ikaapat na dekada––at hindi ko man lang kinuwestiyon kung bakit ‘di ako tumatanda tulad ni Inay, na nagsimula nang magbunot ng puting buhok gabi-gabi––isang munting kubo ang aking natanaw. Kahawig ito ng karaniwang bahay-kubo, ngunit may kakaiba rito: sa tuwing lilingon ako palayo, wari’y maglalaho ito, kaya’t napipilitan akong tumitig lamang dito. 

Bumaba si Lola sa landas patungo sa kubo, at siya’y aking sinundan hanggang nakaharap namin ang isang pintong kusang bumukas. Hindi na ako nagulat. Kung tutuusin, ito ang pinakanormal na pangyayaring nasubaybayan ko mula nang makita ko siya.

Maliit lang din ang puwang sa loob, at sa dulo nito, mayroong isang lalaking nakatalikod sa amin at nakatungo. Agaran siyang pinuntahan ni Lola, at ano pa nga ba ang aking magagawa kundi sumunod? 

Unti-unti siyang lumapit hanggang sa isang hakbang na lamang ang pagitan nila. Saka lamang naisipan tumingala ng lalaki at humarap sa amin.

Isang tingin lamang kay Lola ay kuminang sa pagkilala ang kaniyang mga mata. Ngumiti ang lalaki, at kaniyang sinabi, “Aba, si t7@)#(1-;~! Kanina pa kita hinahanap. Halina’t bumalik ka na sa iyong dapat na kinaroroonan.”

Na tila amo niya ito, agad na sumunod si Lola. Nagtungo siya sa isang sulok ng kubo at tuluyang huminto. Saka lang ako pinagtuunan ng pansin ng lalaki.

“Sa totoo lang, alam kong pagbalik ni t7@)#(1-;~ ay mayroon na siyang kasama. ‘Yun naman ang nakagawian nila.

“Ako nga pala si Roti, pero sa agwat ng ating edad, dagdagan mo na lang ng ‘Manong.’ Gusto ko lang siguraduhin…”

Sa susunod na mga segundo, para akong nauwi sa isang pagulat na panayam. Sunod-sunod ang tanong ni Manong Roti:

“Alam mo ba ang buong pangalan ng iyong lola?”

“Ang paborito niyang kulay?”

“Ang paborito niyang pagkain? Oras ng araw? Petsa ng kaarawan?”

Sa bawat tanong, iisa ang aking sagot, “Hindi po.”

Nagkunwaring napaisip si Manong Roti, marahil bilang pagpapakita ng respeto, saka itinuloy ang panayam. 

“Baka naman dahil masyadong maliit na mga detalye. Alam mo ba kung sino’ng binoto niyang presidente bago siya mamatay?”

“Kung bakit paniwalang-paniwala siya sa mga pamahiin, albularyo’t mangkukulam?”

“Alam mo ba ang tunay na dahilan kung bakit iniwan siya ng ‘yong nanay?”

Hindi nagbago ang aking sagot. Napatawa si Manong Roti, saka nagbuntong-hininga. Tila naging lasang awa ang hangin, mabigat at mapait. Marahil dahil hindi kailanman magiging kasingdetalyado ng totoong buhay ang panaginip, pero hindi ko maalala ang naramdaman ko sa sandaling iyon. Bulag din ang mata ng isip sa aking itsura.

Nagpatuloy lang si Manong Roti na para bang alam niya ang laman ng aking isip––mas alam niya kaysa sa akin. 

“Iha, wala akong kakayahang magbigay-liwanag sa mga bagay na ‘di kailanman naging malinaw,” giit niya habang pinupulot ang panghubog ng bato. “Ang papel ko ay parang buwan: kumukuha ng ilaw sa araw para bumuo ng bantayog ng mga nagtimpi.”

Lumingon siya pabalik sa kaniyang trabahong pansamantala niyang iniwan para kausapin ako at ang lola. Tumungo siya pabalik.

“Kung ayaw mong mapadpad rin sa aking kubo, ito ang payo ko: sa tuwing ika’y may pananaw, huwag kang matatakot na ipahayag ito. At sa parehong landas ay dinggin mo ang iyong kapuwa, lalo ang mga mahal sa buhay,” nakangiti niyang sinabi. Mula noo’y nagpatuloy lamang siya sa pagpukpok ng bato.

“Gising na, at nawa’y hindi ka na muling mapadpad dito.”

 

Art Slider by Alexandra Asuncion 

Originally published in Heraldo Filipino Volume 40, Issue 2

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *