RECENT PUBLICATIONS |

Serbisyong Nakatengga
Dalawampu’t limang milyong piso.
Ito ang tinatayang gastos ng pang-araw-araw na operasyon ng Senado. Patuloy ang pasahod sa mga kawani, paggamit ng mga pasilidad, at pagkonsumo ng buwis ng mamamayan kahit mas umiiral ang pulitika kaysa kapakanan ng sambayanan sa bawat sesyon sa bulwagan. Sa mga nagdaang linggong paralisado ang daloy ng demokrasiya at nilamon ng bangayang pampulitika ang Senado, patuloy ring tinatarantado ang mamamayang Pilipino.
Sa isang institusyong pinopondohan ng buwis ng mamamayan—ng walong oras at higit pang araw-araw na pakikipagsapalaran ng manggagawang Pilipino—hindi katanggap-tanggap na ang katapatan ng mga halal na opisyal ay nakabatay sa kulay ng kanilang alyansa sa halip na sa taumbayan. Sa bawat sesyong nangingibabaw ang interes ng kampo kaysa interes ng publiko, nakokompromiso ang integridad ng Senado bilang institusyon at nakukuwestiyon ang kakayahan nitong gampanan ang tungkuling ipinagkatiwala ng Konstitusyon.
Ito ang malinaw na larawang inilantad ng mga pangyayaring bumalot sa Senado nitong mga nagdaang linggo.
Kapansin-pansing nag-ugat ang mas matinding hidwaan matapos magkaroon ng reorganisasyon sa liderato ng Senado kasunod ng pagpasa ng Kamara ng Articles of Impeachment laban kay Bise Presidente Sara Duterte, na nahaharap sa paglilitis ukol sa kasong paglulustay ng pondo. Sa pamamagitan ng suporta nina Sen. Allan Peter Cayetano, Sen. Robin Padilla, at iba pang senador na kaalyado ng kampo ni Duterte, nabuo ang bagong mayorya sa institusyon. Bagama’t iginiit ni Cayetano na walang kaugnayan ang reorganisasyon sa impeachment, ang mga sumunod na pangyayari—kabilang ang sunod-sunod na pagkaudlot na sesyon bunson ng kawalan ng quorum—ay lalo lamang nagpalalim sa pagdududa ng publiko sa tunay na layunin at direksyong tatahakin ng Senado.
Ngunit hindi lamang ito usapin ng presensya.
Sa bawat sesyong hindi natutuloy, naaantala ang pagtalakay sa pambansang badyet, mga panukalang batas, at mga pagdinig na matagal nang hinihintay ng iba’t ibang sektor. Kamakailan, maging ang mga magsasakang bumiyahe pa mula sa iba’t ibang panig ng Pilipinas upang iharap ang kanilang mga hinaing at panawagan sa Senado ay napauwing walang napala matapos kanselahin ang nakatakdang pagdinig bunsod ng reorganisasyon sa liderato. Habang abala ang mga opisyal sa pagbibilangan ng kakampi at kalaban, ang mga batas, pagdinig, at iba pang mahahalagang tungkulin ng Senado ay naaantala.
Lalong naging malinaw ang pag-iral ng pulitika sa pag-usad ng impeachment trial laban kay Duterte. Nakababahalang bago pa man magsimula ang paglilitis at ganap na mailahad ang mga ebidensya, kapansin-pansin na ang matinding paninindigan ng ilang mga senador hinggil sa magiging kahihinatnan ng kaso. Hindi dapat ganito. Hindi dapat nauuna ang paghatol ng mga lingkod-bayan bago ang pagdinig. Hindi dapat nangingibabaw ang katapatan sa alyansa bago ang katapatan sa bayan.
Sa ganitong kalakaran, hindi nagagampanan ng institusyon ang tungkulin nitong magbalanse sa kapangyarihan, magsiyasat sa pang-aabuso, at managot sa taumbayang nagluklok sa kanila sa puwesto.
Malinaw na pagsira sa tiwala ng taumbayan ang pagkadetine nina Sen. Jose “Jinggoy” Estrada at Sen. Rodante Marcoleta sa kasong plunder. Hindi rin maikakaila ang naging papel nina Cayetano, Padilla, at iba pang mga senador sa pagbibigay-proteksiyon kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, na nahaharap sa kasong crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC), nang tila sila ay maging instrumento sa pagtakas nito mula sa pagkakaaresto. Sa halip na pairalin ang paggalang sa proseso ng batas, naging malinaw na larawan sa publiko ang isang Senado na mas handang protektahan ang mga kaalyado kaysa panagutin sila. Hindi dapat tinatrato ng mga opisyal ang Senado na tila ba isa itong pelikula.
Kung pagsasama-samahin ang mga pangyayaring ito—ang reorganisasyon ng liderato, ang hayagang pagkakahati ng Senado, ang paggamit sa quorum bilang kasangkapan sa bangayang pampulitika, ang mga kontrobersiyang bumabalot sa impeachment, at ang mga pangyayaring lalong nagpapahina sa tiwala ng publiko—iisa ang lumilitaw na larawan: isang institusyong unti-unting nawawalan ng kakayahang ihiwalay ang tungkuling konstitusyonal sa interes ng mga kampong pampulitika.
Maaaring bahagi ng demokrasya ang hindi pagkakasundo, ngunit hindi kailanman naging bahagi ng demokratikong pamamahala ang sadyang pagpaparalisa sa isang sangay ng gobyerno. Ang pagtutol ay may lugar sa debate, sa botohan, at sa deliberasyon—hindi sa pagliban sa tungkulin. Sapagkat kapag ang kapangyarihan ay inuuna kaysa pananagutan, hindi na ito simpleng laro ng politika; ito ay tahasang pagtalikod sa mandatong ipinagkatiwala ng mamamayan.
Sa huli, sa gitna ng pagbabangayan ng Senado sa harap ng publiko, wala sa mayorya o minoryang bloke ang talo, kundi nasa mamamayang patuloy na humaharap sa pagbabayad ng buwis sa pag-asang magkakaroon ng gumaganang Senado.
Kung mambabatas mismo ang pumipiling talikuran ang panata ng paglilingkod na dapat tuparin sa bawat pagkakataong hinihingi ng taumbayan ang kanilang presensya, marahil ang tanong ay hindi na kung bakit paralisado ang Senado, kundi hanggang kailan pa tayo papayag na tayo ang ginagawang tarantado.
Originally published in Heraldo Filipino Volume 40, Issue 2



