RECENT PUBLICATIONS |

Professor or Prof-pressure?
Matatawag kaya ako? Huwag naman sana.
Bago pa man magsimula ang klase, iyon na ang tumatakbo sa isip ko. Hindi dahil hindi ako naghanda, kundi dahil alam kong anumang oras, maaari akong magkamali at mapahiya sa harap ng buong klase. Tuwing papasok ay ramdam ko na agad ang kaba at panginginig ng mga kamay ko at hindi rin ito dahil malamig ang aircon sa silid-aralan, kundi dahil sa pamilyar na sikip sa dibdib na tila ba unti-unting pumipigil sa akin na makahinga nang maluwag. Sa bawat araw na uupo ako sa silya, parang katabi ko na agad ang kahihiyan—na puwede akong tapikin, uriratin, at hubaran ng dignidad anumang oras. Ang tanong na bumabagabag sa akin ay hindi lang kung sapat ba ang ginawa kong pagre-review kagabi o kung may mali ba akong masasabi sa mga itatanong sa akin. Sa totoo lang, madalas ay hindi naman ang subject ang pinakamahirap. Bagkus, ito ay ang pakiramdam na kailangan kong makaligtas mula sa isang pagkakamaling maaaring gawing palabas sa harap ng iba.
Madalas, kapag nakikita ng mga nakatatanda ang mga estudyante na nawawalan ng gana, bagsak ang balikat, o lutang ang tingin ay napakabilis ng paghatol. Sasabihang tamad, walang disiplina, o kulang sa sipag. Pero ang hindi nakikita ng marami ay ang katotohanang ang unti-unting pagkawala ng interes ng mga estudyante sa pag-aaral ay hindi nagmumula sa katamaran. Nagmumula ito sa puntong mas nangingibabaw na ang pangamba kaysa sa kuryosidad. Para sa akin, sa bawat gawaing ipinapasa ko, hindi ko na naiisip kung may kabuluhan pa ba ang aking ideya. Mas iniisip ko kung sapat ba ito para maprotektahan ang aking sarili mula sa pambabara, at para hindi ako mapagalitan. Napipilitan ako at ang mga kapwa kong estudyanteng maging perfectionist sa maling paraan. Pinipilit naming maging perpekto kahit hindi naman kami mga robot, dahil ang kaunting pagkakamali sa harap ng klase ay maaaring tumbasan ng parusa—matatalim na salita o ang nakabibinging katahimikan ng panghuhusga.
Huwag sana ninyo akong mamaliin, dahil alam ko naman na may manipis na linya sa pagitan ng takot at disiplina. May pagkakaiba ang dalawa. Ang disiplina ay nagtutulak sa estudyante na magsikap dahil nais niyang matuto; ang pananakot naman ay nagtutulak sa kaniya na magsikap dahil natatakot siyang magkamali. Kapag mahigpit ang pamamaraan ng pagtuturo sa isang klase, nararamdaman ko ang totoong kagustuhan ng pagkatuto; may motibasyon para magsikap dahil may hamon na umunlad at maging mas mahusay. Ngunit kapag takot na ang umiiral, hindi na pagkatuto ang aking motibasyon, kundi ang pag-iwas sa kahihiyan.
Ang malupit na epekto, unti-unting binabali at pinapagod ang mga katulad ko ng ganitong sistema. Nagbubunga ito ng malalim na pagdududa sa sarili at tuluyang pagkaubos ng aming kumpiyansa. Kapag nasanay sa ganitong kapaligiran, natututo kang manahimik. Hindi na magtatanong kahit nalilito, hindi na magbabahagi ng opinyon kahit may maiaambag, at hindi na sumusubok dahil bawat pagkakamali ay may kaakibat na kahihiyan. Doon ko napagtatanto na unti-unting namamatay ang tunay na diwa ng edukasyon—kapag ang pagsisikap ay nagiging paraan na lamang para makaligtas at ang pagkuha ng marka ay nagiging kapalit ng malayang pag-iisip.
Alam kong hindi rin makatarungang ilarawan ang lahat ng propesor sa ganitong paraan. Marami sa kanila ang nagtuturo nang may puso, may malalim na malasakit, at may tunay na paggalang sa pinagdaraanan ng mga estudyante. Sila ang mga gurong nagsisilbi naming kanlungan sa gitna ng matinding pressure. Kaya lang, nakalulungkot isipin na tila unti-unti nang tinatanggap bilang normal ang kultura ng pananakot—isang lasong bitbit pa rin ng iba mula pa sa mga nakaraang henerasyon. Para bang kapag nagawa mong paiyakin o panginigin ang isang mag-aaral, doon lang masasabing mataas ang kalidad ng iyong pagtuturo. Ang iba naman, ipinagmamayabang pang marami ang bumabagsak sa subject nila, na tila ba ang plorera ng pagkabigo namin ang ginagawa nilang tropeyo. Para sa akin, hindi naman dapat katapangan ang pangunahing pangangailangan para lang makatapos ng pag-aaral. Ang classroom ay dapat sana maging isang ligtas na espasyo kung saan maaari kaming madapa, magtanong, at umamin na hindi namin alam ang lahat ng bagay. Dahil doon naman talaga nagsisimula ang pagkatuto—sa pagkilala na marami pa tayong dapat matutuhan.
Sana, balang araw, hindi na sukatin ang husay ng isang guro sa dami ng estudyanteng nanginginig sa takot sa tuwing haharap siya sa pisara. Mas masarap sigurong isipin kung ilan ang nabigyan niya ng lakas ng loob na mag-isip, magsalita, at magkamali nang walang takot. Sapagkat tuwing naaalala ko ang mga araw na pumapasok akong may pangangamba, napatunayan kong
kapag takot ang naging guro sa loob ng silid-aralan, ang pagkatuto ang unang nagmamadaling lumabas sa pinto.
At sa huli, uuwi akong may isang mapait na patunay: kaya ko ngang sumunod, pero unti-unti ko nang nakalilimutan kung paano mag-isip.
Originally published in Heraldo Filipino Volume 40, Issue 2
