Estudyante muna, atleta

Isang pribilehiyo ang mabansagang student-athlete. Kumbaga, masasabing “built different” ka kapag napagsasabay mo ang pag-aaral at pag-eensayo upang magbigay ng karangalan sa Unibersidad at maipakita ang husay sa larangan ng isports. Gayunpaman,

sa kabila ng masigabong palakpakan at pagtungtong sa entablado upang tumanggap ng mga medalya at tropeyo, para sa isang estudyante, saan ba nasusukat ang hangganan ng pagiging atleta?

Kung iisipin, nakapupukaw ng atensyon at nakababaling ng tingin ang pagiging bahagi ng varsity—o kahit maging miyembro ng isang student organization—dahil, sa panandaliang pagkakataon, ikaw ang sentro ng atensyon at hinahangaan ng mga kapwa mo estudyante. Sa isang punto ng aking buhay, bago ako maging isang manunulat, naging isang student-athlete din ako ng Unibersidad. Tumatak sa aking puso’t isipan ang pagiging isang Patriot na mataas ang lipad, na minsan ay naranasan kong makalimot sa akademikong responsibilidad. Dahil dito, pinangaralan ako ng isa kong senior sa varsity: “Una’t sapol, ang katagang student-athlete, mas mabuting inuuna pa rin ang student kaysa sa athlete.” At hindi siya nagkakamali roon. Hindi maikakaila na mahalaga ang palakasan sa paglinang ng disiplina, pagtitiyaga, at kumpiyansa sa sarili. Dahan-dahan nitong hinuhubog ang mindset ng isang atleta hanggang sa tuluyan niyang makamit ang inaasam na tagumpay—at diploma. Subalit, sa gitna ng pagbabalanse ng buhay atleta at pagka-estudyante, hindi maiwasang magkaroon ng banggaan sa prayoridad at iskedyul. Madalas ding sumasakto ang paglahok sa mga kompetisyon katulad ng PRISAA o NCRAA sa mga araw ng klase, kung kailan kailangan ding habulin ang mga asignatura o ang mismong propesor upang makapasa o sumabit man lang sa uno. Minsan, dala ng parehong pisikal na pagod bilang atleta at paghahabol bilang estudyante ay dumarating sa puntong hindi na sigurado kung makukuha ang minimithing marka kaya hinahayaan na lamang ng ilan ang bumagsak at mag-retake o kumuha ng units sa summer class. Sa katotohanan, para sa isang regular na estudyante, nakapanlulumo na ang makakita ng uno sa portal; pero para sa may mga side hustle, uno lang ay sapat na.

Sa bawat paglipas ng semestre, mas lalo ring nakagagawian ng mga atleta ang lumiban sa klase upang magpahinga pagkatapos ng ensayo o kaya’y magpatuloy pa rin sa pagsasanay dahil hindi pa sapat o hindi pa kuntento sa naunang praktis. Nakasasanayan na rin ang pagpapabaya sa mga takdang-aralin at ang pagsulpot na lamang sa araw ng mahahalagang pagsusulit. Dahil sa mga kagawiang ito, patuloy na naaantala ang edukasyong dapat sana’y pinagtutuunan ng pansin. Kahit pa ang pagiging atleta ang nagsisilbing daan upang makapag-aral sa Unibersidad, hindi dapat kaligtaan ang tanging rason kung bakit nasa posisyon ka na makapaglaro, makakuha ng magagarang jersey, sapatos, at allowance, dahil lahat ng ito ay nagmumula sa pagiging estudyante muna.

Sa katotohanan, kahit anong mangyari, hindi naman talaga maisasantabi ang pagiging atleta. Hahanapin ito ng iyong katawan at isipan. Dito mo rin mauunawaan kung gaano kasabik maglaro ng isports, at hindi iyon masama. Gayunpaman, mahalaga ring isaisip na dapat balansehin ang akademiko at atletiko dahil pagdating ng panahon, maaring kumupas ang kinang ng medalya at tropeyo, ngunit ang edukasyon ay mananatiling kasama mo paglabas ng Unibersidad.

Uulitin ko, ang salitang student-athlete ay may malinaw na pagkakasunod-sunod. Nauuna ang “student” dahil ang edukasyon ang pundasyon ng kinabukasan. Ang pagiging atleta naman ay isang mahalagang bahagi ng pagkatao, ngunit hindi ito dapat maging dahilan upang mahadlangan ang pag-aaral.

Originally published in Heraldo Filipino Volume 40, Issue 2

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *