Ang Palayaw na “Bayani”

Mga dakilang kaluluwa ng nakaraan,

 

Kumusta na? Sana’y ‘di masyadong makaabala ang liham na ito. Pang-ilang bagyo na ang bumugso sa bayan, at sa kabila ng likas na prinsipyo ng balanse, ay lumalakas ang panaghoy ng hangin. Kung narito kayo ngayon, paano niyo kaya ito haharapin? Libo-libo sa aking mga kababayan ang nanganganib na mawalan ng tahanan, at ang sanhi ng suliranin ay mga nakagawian ng makapangyarihan—mga produkto ng paraan ng pamumuhay kung saan wala silang kinalaman kundi ang maging biktima ng paulit-ulit na kasinungalingan.

Sana’y mas maigi ang inyong kalagayan—kung may nananatili mang mahirap, ay kasangga nila ang kapwa Pilipino sa pagsulat ng panibago’t mas kaaya-ayang kapalaran.

Kung mayroong magandang dulot ang panahon, ito siguro ang madalas na pagbabalita sa kalagayan ng aming mga kababayan. Pero… naranasan niyo rin bang umupo sa harap ng telebisyon, tumitig sa mata ng mga kababayang nasalanta, at mapapikit sa tuloy-tuloy na pag-ulat ng mga mamamahayag? Balita ko noong panahon niyo, pinahahalagahan ang bawat piraso ng kaalaman—ang kalidad ng kaalamang hindi basta-bastang mapapadpad sa kamay ng kung sino-sino—ang uri ng kaalamang ipinaglalaban—kung kaya sagrado ang trabaho ng mga tagapagbalita.

Ngayon, sa likod ng isang bungkos ng mga medalyang kumikinang sa ginto’t pilak, isang konsepto lamang ang madaratnan: kawalan ng kakayahan. Titulo lamang ang kalakip ng pagmamahal sa bayan, at sa engkwentro kung saan kinakailangang mangibabaw ang isa—kumikinang na pangalan o kapakanan ng lipunan—panandaliang umaahon ang una. Singdali na ng paghinga ang pagkalap ng impormasyon, at kung noon ay maruming hangin ang malaking panganib, ngayon, maruming impormasyon na ito.

Ano ang inyong isasagot kung tanungin ko kayo, “Sa kamay ng mahabang panahon, paano nagbago ang kahulugan ng kadalubhasaan?”

Dahil nabanggit ko na rin naman ang kadalubhasaan—siya nga pala, tungkol sa mga iniluklok niyong pinuno: Paano niyo siniguro na hindi nila kayo pagtataksilan? Na tunay ang kanilang pinagmulan at mapagkakatiwalaan ang mga plano’t pangarap para sa kalayaan at pag-unlad?

Ngayon, ‘di ko masiguro kung alin ang mas wasto: matawa o maluha sa tuwing susulpot ang amin sa entablado. Nabanggit ko kaninang titulo lamang ang kalakip ng pagmamahal sa bayan, ngunit nais ko itong dagdagan: titulo at pangakong walang mararating. Dahil nakamit niyo ang ating kalayaan, at dahil napagtanto niyo—maaga pa lamang—na sa desisyon ng kabataan nakasalalay ang kinabukasan ng lipunan, nais ko muling tanungin: Paano niyo nasigurong ang taong iyon ang karapat-dapat niyong sundan sa pagsulong?

Baka isipin niyo, “Mahiya ka naman sa iyong pagkukuwento.” Hindi naman siguro, sapagkat lagi niyong tagubilin ang ipagmalaki ang pinanggalingang bansa. O kaya… nagtunog-desperado ba ako? Alinman doon, ‘di ako mabubulag sa aking paninindigan.

Kung may isa man lang sa inyo na makaririnig pa sa akin—sa amin—kung mayroon kayong mailalaang karunungan, pakiusap… puno’t dulo, diringgin ko.

Sa panahong ito, marahil kailangan namin ng paalala sa karapat-dapat na tagatanggap at sa kahulugan ng palayaw na “bayani.”

 

Lubos na gumagalang,

Isang Tagamasid ng Kasalukuyan

 

Art slider by Alexandra Asuncion

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *