RECENT PUBLICATIONS |

Ang Lupang Payapa
Sa pagitan ng mga moderno at naglalakihang mga establisyemento sa Lungsod ng Dasmariñas, Cavite, matatagpuan ang Lupang Ramos (LR), isang 372-ektaryang sakahan na tinataniman ng mga magsasaka ng iba’t ibang mga pananim tulad ng sitaw, kamote, palay, at mais. Sa kabila ng banta ng pangangamkam ng lupang dapat para sa kanila, patuloy ang pakikibaka at paglaban ng mga residente ng LR sa tuluyang pagpapalayas sa malalaking korporasyon, kabilang ang Emerito M. Ramos & Sons, Inc. (EMRASON).
Ang kasaysayan ng lupain
Ang kasaysayan ng Lupang Ramos ay mahaba’t makulay. Una itong nakilala bilang “Lupang Prayle” noong panahon ng mga Kastila, at nang lumaon ay tinawag na “Lupang Kano” noong panahon ng Commonwealth. Sa pamamagitan ng Public Land Act of 1903, nahikayat ang mga kaingeros ng Dasmariñas na gawing sakahan ang nasabing lupain—na hanggang ngayon ay bumubuhay sa mga magsasaka.
Noong 1965, inangkin ni Emerito M. Ramos Sr., isang negosyante, ang pagmamay-ari sa naturang lupa, kung kaya’t nakilala na ito bilang “Lupang Ramos”. Nang ipasa ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. ang Presidential Decree No. 27 noong 1972 upang ipamahagi sa mga magsasaka ang lahat ng kanilang lupain para sa produksyon ng palay at mais, ginawang tubuhan ng pamilyang Ramos ang sakahan kaya hindi ito napabilang sa isinusulong na reporma sa lupa. Ang mga dating magsasaka ay naging manggagawa sa tubuhan, na kumikita lamang ng P1.50 hanggang P2.00 kada araw.
Nang maging pangulo si Cory Aquino noong 1987, nagkaroon muli ng pag-asa ang mga magsasaka para sa tunay na reporma sa lupa. Subalit, ang Mendiola Massacre sa parehong taon ay lalong nagpahirap sa kanilang laban para sa karapatan sa sariling lupa.
Sa pagnanais na makamtan ang reporma, itinatag ng mga magsasaka noong 1990 ang Buklod ng Magbubukid sa Lupang Ramos, Inc. (BUKLOD) upang simulan ang laban para sa kanilang karapatan sa lupain. Mula 1991, apat na beses nang pinasinayaan ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka sa pamamagitan ng Compulsory Acquisition. Umapela ang EMRASON sa Office of the President (OP) upang pigilan ito, ngunit kinatigan pa rin ng OP ang naging desisyon ng DAR.
Gayunman, noong 1997 hanggang 2010, ay nagkaroon ng hidwaan sa loob ng organisasyon nang lumihis ang BUKLOD sa orihinal nitong layunin at simulang mangomisyon at magpabayad ang mga miyembro nito dahil sa kakulangan sa pinansyal na suporta.
Noong 2010, nabuo ang Katipunan ng mga Lehitimong Magsasaka at Mamamayan sa Lupang Ramos (KASAMA-LR) upang ipagpatuloy ang laban para sa karapatan sa lupa. Taong 2011, kinatigan ng Korte Suprema ang kaso na isinampa ng BUKLOD at DAR mula sa Court of Appeals (CA) na hindi isama ang Lupang Ramos sa Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP). Ibinatay ng korte ang desisyon sa Municipal Ordinance 29-A ng Dasmariñas noong 1972 na naglalayong gawing residential ang nasabing lupain. Ayon kay Miriam Villanueva ng KASAMA-LR, limang taon nang hinanap ang naturang ordinansa, ngunit walang opisyal na dokumentong nahalungkat ukol dito.
Nagsampa ulit ng petisyon ang KASAMA-LR upang tutulan ang naging desisyon ng Korte Suprema. Noong 2017, inilunsad ang bungkalan bilang simbolo ng lehitimong paglaban at pag-angkin ng mamamayan sa 372-ektaryang lupain na kanilang tinitirhan at tinataniman. Hanggang ngayon, nakabinbin pa rin ang kaso sa DAR sa ilalim ng mga batayan na misrepresentation of evidence at falsification of public documents.

Ang kolektibong paggawa bilang pakikibaka
Sa puso ng pakikibaka para sa Lupang Ramos ay ang kolektibong puwersa ng mga magsasaka na nagtitipon-tipon linggo-linggo sa kanilang “Pagsambang Bayan”.
Dahil sa mahabang panahon ng pagtatanim ng tubo at paggamit ng mga kemikal na pataba, naapektuhan ang kalidad ng lupa. Dahil dito, kinakailangang “maghilom” ang lupain sa pamamagitan ng pagtatanim at pag-aani ng iba’t ibang gulay at paggamit ng mga organikong pataba mula sa mga balat ng halaman at dumi ng hayop.
Madalas na gawain sa bukirin ang pagtatabas ng mga ligaw na damo, pagbubungkal, pag-aararo, at pagpapataba sa mga lupa. Sa pamamagitan ng bungkalan, ang buong samahan ay nagsasama-sama—ang trabahong karaniwang inaabot ng tatlong linggo ay natatapos nila sa loob lamang ng isang linggo. Mas nagiging produktibo ang paggawa at nagkakaroon pa ng oras upang magpahinga. Bagama’t hindi sila binabaha, naapektuhan ng mga nagdaang habagat ang sitwasyon ng mga pananim.
Ang lahat ng kanilang ani ay pinaghahatian at pinagsasaluhan ng buong komunidad, at ang labis din ay ipinapamahagi sa ibang residente sa lungsod. Patunay ito ng bayanihang nagsasantabi sa personal na interes para sa kolektibong kapakanan.

Ang Lupang Ramos
Dahil sa malaking interes sa sakahan, naging punterya ng malawakang red-tagging, state surveillance, harassment, at black propaganda ang mga residente ng Lupang Ramos.
Noong 2024, sa bisa ng Dasmariñas Peace and Order Council (POC) Resolution No. 1, inakusahan ang mga mamamayan ng Lupang Ramos na nagpapalaganap ng ideolohiyang may kaugnayan sa New People’s Army (NPA). Ito ang naging dahilan ng pag-igting ng presensya ng militar sa lugar, kung saan naging sentro ito ng operasyon ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at ng Task Force Ugnay-2nd Civil Military Operations Battalion (TFU).
Noong Agosto 11, 2025, tumindi ang tensyon sa pagitan ng mga residente at militar nang tanggihan nila umanong pagbentahan ang mga sundalo bilang pagkondena sa kanilang presensya. Makalipas ang ilang araw, ay nakatanggap ng blotter mula sa militar sina Miriam Villanueva, Anna Padilla, at Jojo Mercado.
Noong Oktubre 17, 2025, opisyal na sinampahan ng mga kasong Grave Coercion, Grave Threats, at Other Light Threats ang tatlo. Pansamantalang nakalaya ang mga akusado sa pamamagitan ng pagpiyansa, habang nakatakda ang panibagong pagdinig sa kanilang kaso sa Municipal Trial Court ng Lungsod ng Dasmariñas sa darating na Setyembre 21.
**
Sa kabila ng pananakot at paniniktik ng militar, pati na rin ang pangangamkam ng mga korporasyon sa lupain, patuloy na tumitindig ang mga magsasaka ng Lupang Ramos—o kung tawagin din ng mga residente na “Lupang Payapa”—para sa tunay na reporma sa lupa at paglaban sa mala-pyudal na sistema.
Bagama’t kahit wala pa silang opisyal na titulo na hawak dahil sa nakabinbin na Certificate of Land Ownership Award (CLOA), kitang-kita ang bawat bakas ng pagsisikap ng mga magsasaka sa mga dekada ng kanilang pakikibaka.
Panawagan ng mga mamamayan ng LR: bigyan ng sapat na suporta at prayoridad ng gobyerno ang mga lokal na magsasaka.
“Dapat may production subsidy ang gobyerno, at dapat pride ng City of Dasmariñas, Cavite na sa pusod ng siyudad ay may isang maunlad na lupang agrikultural, [na ito] ay payapa,” ani Miriam ng KASAMA-LR.



