I love Filipino games, no cap

Sa Larong Pinoy ko unang nasaksihan ang tunay na sportmanship. Tila nagiging arena ang playground habang isinisigaw ng mga bata ang “Bantay bata, doble taya.”

Ang kagandahan nito, walang striktong mekaniks—puwedeng iangkop depende sa trip, basta mapagkasunduan BAGO magsimula ang laro. Dito nag-uugat kung bakit iba-iba ang bersyon ng mga larong kinagisnan natin. Kaunting usog sa kabilang bayan, iba na ang turo. Parang uno cards: may bersyong bawal magpatong ng +2 na pula at dilaw, pero minsan, kahit makalimang patong ka ng iba’t ibang kulay, ayos lang. Basta agreed.


Para sa mga trentahin, o sa mga batang nagre-rejuvenate mula sa brain rot content, narito ang ilang halimbawa ng Larong Pinoy. Simulan natin sa pagpili ng  MALAS ( “taya”): 

  1. Umpyang, Pongpyang, Konti Alis, Maiba Taya. Bumuo ng bilog, pagpatungin ang mga kamay, at sabay-sabay awitin ang “Maiba… alis.”  Sa bagsak ng kamay, ipakita kung nakaharap o nakatalikod ang palad. Kung alin ang mas kaunti, sila ang ligtas. Uulit hanggang dalawa na lang ang matira. Para malaman kung sino sa dalawa ang taya, may isa pang player na manguguna sa awiting “Gumaya sa’kin… taya.” Kung sino ang gumaya, siya ang malas. 
  2. Jack En Poy. Bersyon ng rock-paper-scissors na may kantang “Jack-en-poy, hali-hali-hoy, sino’ng matalo, siya’ng unggoy…”—at oo, ang matalo ay unggoy (aka taya). 
  3. Coin Toss. Pagpusta sa bahagi ng isang barya kung tao o agila. Simple. Kung kaninong pusta ang manalo paglapag ng ihinagis na barya, siya ang mauuna. 

Kung ang formal sports ay may baseball at softball, sa elementarya ay may Agawan ng Base. Simple lamang ang logic nito: atake at depensa.

Kailangan: liksi, lakas, estratehiya, at dalawang base
Layunin: makuha ang base ng kalaban at mataya ang lahat

  1. Bumuo ng grupo. Siguruhing pantay ang bilang ng bawat team
  2. Game setup. May dalawang grupong magkatapat, bawat isa ay may base. Ang gitna ay tatawaging center field
  3. Defend the base. Atakehin ang base ng kalaban. Gumamit ng estratehiya. Huwag ipahawak sa kanila ang base ng iyong team. 
  4. Protect yourself (Immunity). Hindi ka maaaring mataya kung nakahawak ka sa base
  5. Center field advantage. Ito ang pwesto kung saan walang nakahawak sa base, kaya dito ang bakbakan. Mas makapangyarihan ang player na galing sa base kaysa sa player na nasa center field.  Halimbawa: kung matagal kang nagmamasid, maaari kang habulin at tayain ng kalabang kakabitaw pa lamang sa base. Dito na ang bangayan ng “talo kita sa base.
  6. The Prisoners. Ang matataya ay magiging bilanggo sa base ng kalaban at dudugtong sa isa’t isa. 
  7. Be the superhero. Maaaring iligtas ang kakampi kung mahawakan  mo ang kamay ng pinakadulong bilanggo. Para sa tagabantay ng base, kasama sa pinoprotektahan mong teritoryo ang mga bilanggo. 

Palaisipan sa akin kung si EJ Obiena ba, na kilalang isang pole vaulter ng Pilipinas, at Leonard Grospe ng High Jump ay masasabing “The Sigma sa larong Luksong Baka

Kailangan: malawak na lugar, lakas ng loob, at tibay ng damdamin.
Layunin: malampasan ang “baka” nang hindi sumasagi o natutumba.

    1. Minimum players. Ang larong ito ay dapat may players na hindi bababa sa bilang ng tatlo. 
    2. Choosing the baka. Ang taya ang magiging baka (literal na translation: jump over the cow). Maaaring gamitin ang umpyang para makapili ng taya. 
    3. How to win. Dahil sinusubok nito ang taas ng iyong talon, mananalo ka lamang kung mapagtagumpayan mo ang paglukso sa baka (taya) nang hindi sumasagi ang paa at hindi natutumba ang baka. Dalawang kamay lamang ang puwedeng gamiting suporta. 
    4. Levels
      • Level 1: Magsisimula ang laro nang nakaluhod ang baka
      • Level 2: Naka-extend na ang dalawang kamay sa lupa
      • Level 3: Nakatayo habang nakayuko nang 90 degrees
      • Max Level: Nakatayo nang tuwid—walang patawad

Kung sino ang player na hindi makalampas sa baka, siya ang susunod na taya.


Para sa labanan ng flexibility, o masasabing training ground ng isang gymnast katulad ni Carlos Yulo, isang pambatong laro ang Dr. Kwak-Kwak.  

Kailangan: buto at braso, pagkasutil, at pasensya.
Layunin: maalis ang buhol nang walang napuputol o bumibitaw na kamay. 

  1. Players. Mas marami, mas masaya. 
  2. Choosing Dr. Kwak-Kwak. Gamit ang umpyang, pipili ng taya. 
  3. Paggawa ng buhol. Habang nakatalikod si Dr. Kawak-Kwak, gagawa ng human knot ang players. Isa lamang ang rule: Walang bibitaw.
  4. “Dr. Kwak-Kwak, tulungan mo kami!” Sa puntong ito, ang trabaho ni Dr. Kwak-Kwak ay ayusin ang buhol nang hindi pinaghihiwalay ang mga kamay. 
  5. Legit check?! Kapag napagtagumpayan ito ni Dr. Kwak-Kwak, puputulin niya ang magkahawak na kamay ng pinakahuli niyang nagamot at saka magtatayaan. 
  6. Heir. Ang unang mataya ni Dr. Kwak-Kwak ang susunod na magiging Dr. Kwak-Kwak ng laro. 

 

Kung ang high jump at hurdles ay may luksong baka, sa laro ng basketball at sprint ay Ice Ice Water naman ang laro ng paliksihan at pagalingang umiwas. 

“Ice ice water. change your foot. If your foot is dirty, please go home and change it.”  (Eeny, meeny, miny, moe tone) 

Kailangan: hindi pikunin
Layunin: maging frozen ang lahat

  1. Choosing the It.  Bumuo ng bilog at ilagay ang isang paa sa gitna. Kakantahin ang “Ice Ice Water at kung kanino natapat ang “it ay papalitan ng kabilang paa. Ligtas ka sa pagiging taya kung dalawang beses tumigil ang kanta sa paa mo. Ang matirang paa ang magiging taya. 
  2. Game setup. Mapagkasunduan dapat ng mga players kung hanggang saan ang lawak ng taya-tayaan bago magsimula. 
  3. Freeze mechanics. Kapag nahawakan ka ng taya, freeze ka. Makakagalaw lang ang mga nataya kapag niligtas sila ng iba pang players at sinabihan ng “water.” 
  4. Loser core. Kapag binantayan ng taya ang isang player para hindi ma-unfreeze ng iba, kakantahan siya ng “bantay bata, doble taya”—ang OG callout na nangangahulugang magiging taya ulit siya sa susunod na laro. 
  5. How to win. Dapat mataya mo ang lahat. Sa ibang bersyon, kapag lahat ng manlalaro ay na-ice na, kinakailangan nilang sumigaw ng “Viva Sit!”—at doon nasusubok ang reflex. Ang huling makaupo matapos marinig ang sigaw ay siyang taya sa susunod na laro. 

Samakatuwid, marami pang laro ang batang Pinoy, mga batang kanta na hindi alam kung saan nagsimula ngunit nakaka-engganyo. Habang nakikipag-usap ako sa mga kaedad na Kabitenyo at taga-Maynila, may mga larong bago pa rin sa pandinig ng isang batang lumaki sa Bikol. 

Isang magandang palaisipan ang maidokumento ang sari-saring uri ng Larong Pinoy. At sana, sa araw na dumating iyon, hindi lamang ito maging talakayan ng kasaysayan at kultura, kundi talakayan pa rin sa mga kalye at lansangan. Sana ay maririnig ko pa rin ang Nanay, tatay gusto kong tinapay. Ate, kuya gusto kong kape… o kaya naman ay Langit, lupa, impyerno…” pati na rin “Tagu-taguan maliwanag ang buwan…” o ang iconic na Erap laki mata, Gloria laki nunal…” at marami pang iba. 

Nawa’y sa murang edad, pamugaran na ng disiplina at respeto sa sportsmanship ang susunod na henerasyon ng kabataan, at maging isang daan ito para mas makilala pa ang kultura at pundasyon ng palakasan. 

 

Dibuho ni Natasha Audrey Ordinario

Orihinal na inilathala sa Just Play Vol. 11.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *