RECENT PUBLICATIONS |

Dugo ang aking tinta
Sa loob ng labintatlong taon, natutuhan kong hindi laging tinta ang gamit sa pagsusulat.
May mga artikulong naisusulat sa loob lamang ng ilang oras. Mayroon ding mga isinusulat sa pagitan ng mga pagsusulit, organisasyon, at mga responsibilidad na hindi nakikita ng mga mambabasa. Bilang isang estudyanteng mamamahayag, nasanay akong maghabol ng deadline kasabay ng mga requirement sa klase. Nasanay akong magbasa ng balita para sa artikulong kailangang matapos kahit may problem set pang naghihintay sa mesa. Nasanay akong gumising nang maaga para sa klase matapos matulog nang hatinggabi dahil sa paulit-ulit na revisions.
May kapalit ang bawat salitang nailalathala. Hindi ito laging nakikita sa byline, sa medalya, o sa artikulong nailalabas, kundi sa mga gabing kulang sa tulog at sa mga pagkakataong ipinagpapalit ang pahinga para sa deadline. At kung minsan, hindi na tinta ang tawag doon. Kundi dugo.
Matapos ang mahigit isang dekada ng pagsusulat, may isang tanong na hindi ko pa rin lubusang masagot: kung dugo ang aking tinta, hanggang kailan ako dapat magsulat?
Ang tinta na hindi lang tinta
Mula ikaapat na baitang hanggang ngayong papasok na ako sa ikaapat na taon ng kolehiyo, naging bahagi na ng aking pagkatao ang pamamahayag. Lumaki ako sa pagitan ng mga balita, press conferences, deadlines, at mga gabing mas matagal kong kaharap ang blangkong papel kaysa mga libro. Ngunit kasabay ng paglawak ng aking kaalaman ay ang unti-unting pagtaas ng kapalit ng pananatili sa larangang ito.
Nagsimula ang lahat noong 2014, nang isabak ako sa Division Schools Press Conference (DSPC) kahit wala akong sapat na kaalaman sa journalism. Wala akong ideya sa mga teknikalidad ng balita, sa iba’t ibang pormat ng pamamahayag, at lalong wala akong karanasan sa Science and Technology (Sci-Tech) Writing na siyang kategoryang aking sinalihan. Ngunit nagsulat ako sa paraang alam ko—may interes, sipag, at paninindigan.
Nakamtan ko ang aking unang medalya. Sa murang edad, natutuhan kong may kapangyarihan ang pagsusulat—hindi lamang bilang isang kasanayan kundi bilang paraan ng pag-unawa sa mundong aking ginagalawan. Mula noon, sinubukan ko ang iba’t ibang kategorya ng pamamahayag—news, features, editorial, sports writing, copyreading, maging ang editorial cartooning.
Dumating sa puntong mas marami akong oras na ginugugol sa pagsusulat ng balita kaysa mag-aral. Hindi ko na mabilang kung ilang DSPC at RSPC (Regionals) ang aking sinalihan. Hanggang sa marating ko ang Nationals o NSPC noong 2017 at maiuwi ang ikatlong puwesto.
Akala ko noon ay iyon na ang sukdulan ng tagumpay.
Ngunit matapos ang lahat, na-diagnose ako ng Bell’s Palsy—isang kondisyong nagdulot ng pansamantalang paralisis sa bahagi ng aking mukha. Ayon sa doktor, maaaring dulot ito ng viral infection, ngunit maaari din umanong may kaugnayan sa matinding stress.
Hindi ko kailanman napatunayan kung may direktang medikal na koneksyon ang aking kondisyon sa pamamahayag. Ngunit iyon ang unang pagkakataong napaisip ako kung gaano kalaki na ba ang naibabayad ko kapalit ng pagsusulat.
Sa loob ng maraming taon, ang tingin ko sa pamamahayag ay isang bagay na nagbibigay sa akin ng layunin. Ngunit noong panahong iyon, unang beses kong naisip na maaari din pala akong ubusin nito.
Ang siklo ng panawagan
Sa kabila nito, hindi ako tumigil sa pagsusulat. Paulit-ulit kong nasaksihan ang isang nakakapagod na siklo. May problemang lilitaw. Isusulat namin ito. Magtatanong kami. Mananawagan. Magkakaroon ng pansamantalang aksyon mula sa mga kinauukulan. Magkakaroon ng kaunting pagbabago. Pagkatapos ay unti-unting tatahimik ang usapin hanggang sa bumalik muli sa dati.
Noong mas bata ako, sapat na sa akin ang makitang may agarang tugon sa isang artikulo. Ngunit habang tumatagal, mas mahirap nang hindi mapaisip. Ilang beses pa ba kailangang isulat ang parehong problema? Ilang administrasyon pa ba ang kailangang dumaan bago magkaroon ng pagbabagong hindi pansamantala? Ilang henerasyon pa ba ng mga estudyanteng mamamahayag ang kailangang magsulat tungkol sa parehong mga isyu?
Ito marahil ang pinakamahirap tanggapin sa matagal na pananatili sa pamamahayag.
Sa puntong ito, isa na rin akong civil engineering student na namumuhay nang malayo sa pamilya. Bukod sa akademikong pressure at mga responsibilidad sa kolehiyo, madalas ko ring tanungin ang sarili ko kung ano nga ba ang koneksyon ng pamamahayag sa kursong pinili ko.
Hindi naman ako magiging reporter. Hindi rin ako kukuha ng journalism bilang propesyon.
Sa gitna nito, mas napagtatanto kong hindi pala sila gaanong magkalayo. Bilang isang engineering student, tinuturuan kaming hanapin ang mga kahinaang maaaring magdulot ng pagkasira ng isang estruktura. Bilang isang mamamahayag naman, natuto akong pansinin ang mga bitak sa mga sistemang matagal nang nakatayo sa paligid—mga problemang madalas binabalewala hanggang sa maging bahagi na lamang ng nakasanayan.
Pareho silang nakaugat sa pananagutan. Pareho silang nangangailangan ng kritikal na pagtingin sa mga bagay na madalas hindi napapansin ng iba.
Bakit ako patuloy na nagsusulat?
Noong senior high school, nangako ako sa sarili kong hindi ko na dadalhin ang journalism sa kolehiyo. Pagod na ako. Pakiramdam ko ay naibigay ko na ang sapat na bahagi ng sarili ko sa larangang ito. Pinili ko ang civil engineering dahil nais kong magkaroon ng ibang direksyon. Akala ko ay maiiwan ko na ang pamamahayag bilang isang mahalagang yugto lamang ng aking kabataan.
Ngunit narito pa rin ako.
Hindi dahil madali ang pagsusulat. Hindi dahil palaging may resulta ang bawat artikulo. At lalong hindi dahil kumbinsido akong malaki ang naitutulong ng bawat inilalathala namin. Narito pa rin ako dahil sa paglipas ng panahon, natutuhan kong hindi laging nasusukat ang halaga ng pamamahayag sa agarang pagbabago. Minsan, ang pinakamahalagang nagagawa nito ay ang magtala, magtanong, magpaalala—upang hindi tuluyang mabura sa alaala ang mga bagay na mas madaling kalimutan kaysa tugunan.
Maaaring mabagal ang progreso. Maaaring nakadidismaya ang paulit-ulit na siklo ng pananawagan at pansamantalang aksyon. Ngunit sa panahong mas madaling manahimik kaysa magsalita, may halaga pa rin ang pagpiling magsulat.
Marahil ito ang dahilan kung bakit hindi ko pa rin maibaba ang panulat matapos ang mahigit isang dekada.
Kung dugo man ang aking tinta, hindi ito dahil romantiko ang pagdurusa ng isang mamamahayag. Ito ay dahil may mga paniniwalang nangangailangan ng higit pa sa simpleng salita at mga katotohanang nangangailangan ng higit pa sa simpleng pananahimik.
***
Matapos ang mahigit isang dekada, wala pa rin akong tiyak na sagot kung hanggang kailan ako magsusulat. Hindi ko alam kung gaano kalaking pagbabago ang naidulot ng aking mga artikulo o kung may malinaw ba itong koneksyon sa aking kurso.
Ngunit ito ang nananatiling tiyak: sa bawat pagkakataong pinili kong magsulat sa halip na manahimik, may katotohanang naitala. May isyung hindi tuluyang nailibing sa limot. Hindi nasusukat ang halaga ng pamamahayag sa dami ng problemang nalulutas nito, kundi sa dami ng problemang hindi nito hinahayaang makalimutan ng lipunan.
At kung dugo man ang aking tinta, hindi ito dahil sa pagdurusa. Ito ay dahil may mga paniniwalang hindi ko kayang talikuran at mga katotohanang hindi ko kayang hayaang mabaon sa katahimikan.
Marahil balang araw ay matutuldukan din ang aking pagsulat. Marahil darating ang panahong pipiliin kong ilapag ang panulat at tahakin ang ibang landas. Ngunit sa ngayon, hindi ko pa alam. Pagkatapos ng labintatlong taon, marami pa rin akong tanong tungkol sa pamamahayag. Marami pa rin akong tanong tungkol sa sarili ko. At marahil iyon ang pinakamahirap tanggapin: sa kabila ng lahat ng naisulat ko, ito ang kuwentong wala pa rin akong maisulat na wakas.
Kaya sa bawat pagbukas ko ng isang blangkong pahina, iisa pa rin ang tanong na sumasalubong sa akin: Kung dugo ang aking tinta, hanggang kailan ako dapat magsulat?
Originally published in Heraldo Filipino Volume 40, Issue 2
