Puwang Sa Kalye’t Maging Sa Akin

Nais ko sanang tapusin ang lahat,

kaya lumabas ako nang dis-oras.

Baka kailangan ko lang matauhan,

o baka naman mapadpad sa hindi ko nakabihasnan.

 

Una kong nasakyan ay bus. Mahinhing itinuro ng konduktor ang piraso ng paunawa:

“Kami ay kumakatok sa inyong mahabaging puso—”
Alam ko na ang kasunod, kung gayon, kako, 

dahil walang nagbago sa halaga ng aking patutunguhan;

Malayo rin sa aking bituka ang mawalan ng diyes na panghulog sana sa alkansya.

 

Ang totoo niyan, walang patid ang aking paalam sa drayber 

na hanggang sa dulo na lamang ako ng ruta.

Ngunit umurong ang aking bahag nang mapansing 

paliblib na nang paliblib ang dinaraanan.

Gayundin, paunti nang paunti ang mga posteng tanglaw; kay hirap nang umaninag!

Lalo kong napagtanto na hindi dapat basta-basta tumatahak sa direksyong wala tayong kamuang-muang.

 

Aminado naman akong hindi ko nakayanan—

hindi dahil sa nagbubulag-bulagan,

kundi sa sitwasyong kinalagakan kong hindi man lang madaramdam ng mga nasa itaas.

 

“Dito na lang po, salamat,” sabi ng pasahero.

Salamat din,” tugon ng drayber.

 

Nais ko sanang tapusin ang lahat,

pero hindi pa pala ako makakauwi; malayo pa ‘ko sa aming tahanan.

Mabuti na lang at namamasada pa nang ganitong oras si Mamang Tsuper

ay teka, mataas pala ang hakbangan nito?

 

Mukha namang kakayanin ang pag-ulan, maging ang lalim ng gabing akala na ang taga-maniobra ay siyang dapat nag-iisa.

Nasa gitna ang kanyang unico hijo at tinutukso pa ng inay—

bunsod ng katiyakan niyang lalaki itong mulat sa mundo

at mahusay sa Sipnayan upang hindi siya kailanman magpapalamang.

 

Nais ko sana tapusin ang lahat.

Kaya ako ay tumakas mula sa pag-aatim

upang masaksihan sana ang bawat rason sa patuloy na paghinga ng pag-asa ng ibang tao.

Baka kailangan ko lang maintindihan lalo,

o sakaling maengkuwentro muli ang mga bagay na noon ay hindi ko magawang pahalagahan, 

sapagkat lahat naman ng aking nakikita ay may puwang at pagkukulang.

 

Art slider by Maria Isabella dela Chica

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *