Sa Kuko ng Huwad na Kintab

Mahigit tatlumpu’t dalawang milyong Pilipino ang lumalabas na nalululong sa sugal.

Ngunit sa likod ng mga numerong ito, hindi mga mayayamang high rollers ang bumubuo sa talaan ng mga biktima—kundi ang mga Pilipinong kapos at kumakapit sa patalim: mga jeepney drivers, mga nagtitinda sa palengke, mga magulang na naghihikahos para sa kanilang mga anak, at maging ang mga kabataang nag-aasam lamang makaahon sa kahirapan.

Bitag sa palad

Hindi ito nalalayo sa natuklasan ng mga kamakailang pag-aaral tulad ng Capstone-Intel survey, kung saan lumalabas na humigit-kumulang 66% ng mga Pilipinong nasa edad 18 hanggang 24 ang nakikilahok na sa online gambling. Sa likod ng mga mataas na numerong ito ay ang totoong mukha ng mga kabataang naeengganyo sa pangako ng mabilisang kita gamit lamang ang kanilang mga telepono. 

Isa na rito si Riley, hindi niya tunay na pangalan, labing-walong taong gulang na binata mula sa Imus, Cavite, na nagbahagi ng kaniyang pagsisisi sa pagkalulong sa online casino plus. Aniya, “Hindi ko po talaga namalayan, noong una baon [ko] lang ang ginagastos ko, hanggang sa nagawa ko na ding mangupit sa mga magulang ko.” 

Dahil sa desperasyong bawiin ang kanyang mga pagkatalo, umabot din siya sa puntong nabaon sa pagkakautang sa kaniyang mga kaibigan habang pasan-pasan ang bigat ng pagpapanggap. Bagama’t hindi pasok ang edad ni Riley sa minimum age requirement na 21 ng mga nasabing laro, nagawa niya pa ring lusutan ito—isang malinaw na patunay na hindi masusing nakatutok at hilaw ang sistema ng beripikasyon sa mga platform na ito, dahilan upang madaling makapanlinlang at magawang magpeke ng edad ang maraming menor de edad para lamang makapaglaro.

Diskarte ng mahirap, negosyo ng sakim

Madalas din marinig ang walang-habag at nagmamalinis na depensa’t victim blaming mula sa mga nasa tuktok ng lipunan—na kasalanan daw ng mga naghihirap at na-eengganyong mga biktima ang kanilang pagkalunod sa utang at pagkatalo sa buhay dahil mahina ang kanilang loob at walang disiplina. 

Nakatatawa. Nakagagalit. Nakaririmarim. 

Madaling magmalaki kung ni minsan ay hindi ka nakaranas matulog nang kumakalam ang tiyan. Madaling magmayabang kapag hindi ka namomroblema kung saan kukuha ng pambayad sa upa kinabukasan. Masakit man aminin, subalit marami sa atin ang bulag sa totoong mukha ng kahirapan.

Sa gitna ng ganitong matinding desperasyon sa buhay, madaling maging biktima ng huwad na pag-asa ang mga kumakayod para sa pamilya—tulad na lamang ni Mark, 35-anyos na delivery rider mula sa Bacoor, Cavite: “Akala ko kasi madaling bumawi, hanggang [sa] naubos na lahat. Isang pindot lang kasi sa phone ko, tapos ‘di ko na namalayan [na] ‘yung pambayad sa upa at pagkain namin ng pamilya ko [ay] napang-BingoPlus ko na pala.”

Ito ang maitim na kapalit ng modernong teknolohiya—isang tahimik na nakawan ng kinabukasan kung saan ang kinita sa magdamagang pagkayod ay nasusunog lamang sa loob ng ilang segundo, dala ng panlilinlang ng huwad na swerte.

Ang mga lamat at nawalang buhay na ito ang nagpapakita na hindi na lamang ito simpleng personal na problema—ito ay isang pampublikong krisis. Dahil sa patuloy na pagdami ng mga biktimang tulad nina Riley, Mark, at Tito Jomar, unti-unti na ring nagigising ang mga bulwagan ng kapangyarihan—kung saan sumisibol na ang mga panukalang batas, ang Bill 2347 o Gambling Advertising Prohibition Act, na naglalayong tuluyang ipagbawal ang mga ads, online betting, celebrity endorsements, at mga sponsorship ng sugal upang maprotektahan ang kabataan at mga nasa laylayan.

Bagama’t isang magandang simula ito, panukalang batas pa lamang ito na kailangan pang suriin at aprubahan ng Senado at Kamara, bago tuluyang lagdaan ng Pangulo upang maging ganap na alituntunin sa bansa. Habang hinihintay natin ang ganap na pagbabago sa sistema, hamon sa atin ang maging mapagmatyag—sa pamamagitan ng matalas na pagmamasid sa ginagawa ng ating mga anak sa kanilang mga telepono, pagpuna sa sinumang nagpo-promote ng sugal, at pag-uulat sa mga iligal na platform nito. Ang tunay na solusyon ay hindi lamang nakasalalay sa isang papel, kundi sa patuloy na paggising sa ating mga komunidad laban sa huwad na pangako ng sugal.

Mga ahente ng pighati

Milyun-milyong pangarap ang natutunaw, mga tahanang nagkakawatak-watak, at mga buhay na naisasangla sa isang maling akala ng pag-asa. Iilan lamang ito sa mga maruruming katotohanan na pilit itinatago ng mga makukulay at makikintab na advertisements sa ating mga telepono.

Hubaran mo ng palamuti at kasinungalingan ang mga patalastas na ‘yan—ang matitira na lamang ay ang masalimuot na katotohanan ng isang Pilipinong lalong nababaon sa hirap dahil sa panlilinlang ng sugal. 

Madilim. Nakakaawa. Naghihikahos. 

Isang mapaniil na siklo ng kahirapan—ang maliit na sahod ay kinakain ng sugal at napapalitan ng karagdagang utang. 

Ang ilang mga influencer at vlogger na dapat sana ay nagsisilbing mga huwarang tinututulan ang kamalian, ay nagmistulang mga sales agent na  pikit-matang nanghihikayat sa kultura ng sugal. Ang kapalit—bagong iPhone at cash giveaways. Isang click, follow, at subscribe lang ang katapat, habang walang-awang binubulag ang mga tumitingala sa kanila sa huwad na pangako ng madaliang pera.

Ngunit ang pait ng sistemang ito ay hindi na lamang basta balita sa screen; nararamdaman na ito maging sa mga sariling bakuran. Sa aking bayang sinilangan sa Aklan, unti-unti itong lumalapit, dumidikit, at pumapatay. Ilang kakilala ko na ang lumubog sa kumunoy na ito, kabilang na ang isang taong minsan kong tiningala noong bata pa ako—si Tito Jomar, hindi niya tunay na pangalan, isang make-up artist at hairstylist na mayroon sanang maliwanag na kinabukasan. Subalit nang siya’y malubog  sa pagkakautang sa larong scatter, nilamon siya ng depresyon hanggang sa mapagdesisyonang wakasan ang sariling buhay.

Isang malaking salot ang online gambling. Pinupuntirya nito ang mga walang laban, sinisipsip ang kaluluwa ng mga nagpapaniwala sa huwad na tagumpay, at ipinupukol sa isip nila ang lason na ang buhay ay naiaahon sa swerte, hindi sa sariling pagsisikap.

***

Hindi lang ito simpleng adiksyon; unti-unting bumabaon ang mga kuko nito, sumisimbolo sa tahimik na pagguho ng lipunan at ng ating sariling pagkatao. Sa huli, walang algorithm o jackpot ang sukatan ng kinabukasan, kundi ang ating sariling pagpupursigi. Ang pagpili sa buhay, paninindigan, at dignidad kaysa sa huwad na swerte ang tanging natitirang laban na dapat nating mapagtagumpayan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *