RECENT PUBLICATIONS |

Anino ng Kahapon
BABALA SA NILALAMAN: Ang lathalaing ito ay naglalaman ng mga talakayan tungkol sa panggagahasa (sexual assault) at depresyon na maaaring makagambala sa ilang mambabasa. Pinapayuhan ang pagpapasya ng mambabasa.
“Bakit hindi ka na lang mag-move on?”
“Bakit gusto mong laging kinaaawaan ka?”
Ilan lamang ito sa mga matatalim na linyang madalas ibato ng lipunan sa mga taong tila napag-iwanan ng panahon. Sabi nila, patuloy na tumatakbo ang oras; at sa prosesong ito, naghihilom ang sugat. Ngunit para sa mga taong dumaan sa isang matinding pagkabigo, hindi na lamang nasusukat sa petsa ang kalendaryo. Bagkus, nahahati na ito sa dalawang kabanata: ang “buong sarili” at ang “pinagtagpi-tagping pilat.”
Sa mata ng mundo, isang kasalanan ang hindi pag-usad mula sa ikalawang kabanata—isang kapansanan ng karakter na madaling bansagang kahinaan, katamaran, o simpleng paghahangad ng awa. Mas madali kasing sabihan ang isang tao na “magbago na” kaysa umupo sa tabi niya sa gitna ng kawalan. Ngunit ang totoo, walang nakakakita sa kaniyang tahimik na laban. Nakikita lamang ng tao ang mga araw na hindi siya makabangon o ang kaniyang pananahimik sa isang sulok, subalit bulag ang lipunan sa gabi-gabing pakikipagbuno niya sa sariling isip—isang malagim at pabalik-balik na proseso ng pagtatagpi sa sarili, binububog ng hiya at labis na pagdududa.
Ito ang nakapangingilabot at malungkot na reyalidad para kay Isla, hindi niya tunay na pangalan, isang estudyante na piniling itigil ang pag-eskwela dahil sa isang trahedya.
“Wala nang saysay [para] magpatuloy pa. Alam ng mga tao. Nakakahiya [kasi] alam nilang marumi na ako,” nanginginig na sambit niya.
Isang survivor ng panggagahasa noong siya ay dalagita pa lamang, patunay si Isla sa kung paano binabago ng trauma hindi lamang ang alaala ng isang tao, kundi pati ang paraan ng kaniyang pagtingin sa sarili. Tatlong taon na ang lumipas, ngunit nanatili sa kaniya ang bigat ng gabing iyon—hindi lamang bilang isang alaala, kundi bilang isang pagkakakilanlang araw-araw niyang binubuhat.
“It’s easier to say for them that I’m not trying to move on, pero hindi nila nakikita kung ano [ang] pinagdaanan ko at naging dulot no’n sa akin,” dagdag pa niya.
Ang lason ng mga what-ifs
Sa larangan ng sikolohiya, ang reaksyong ito ay hindi simpleng kawalan ng pag-asa; tinatawag itong trauma response. Ang pinakamabigat na tanikala ng isang sirang sarili ay ang takot na sumubok muli. Sa bawat pagkakataong may bumubukas na pinto para sa panibagong simula, agad itong isinasara ng utak na nilason ng mga pag-aalinlangan:
“Paano kung mangyari ulit?”
“Paano kung bumagsak na naman ako?”
“Paano kung ibigay ko ang lahat tapos bumalik lang ulit ako sa wala?”
Ang mga tanong na ito ang nagiging mga kadenang pumipigil sa bawat hakbang pasulong. Hindi ito pag-iinarte o simpleng pag-iwas; ito ay paraan ng katawan upang manatiling ligtas. Kapag ang isang tao ay minsan nang nadehado at lubusang nawasak, natututo ang isip na unahin ang kaligtasan kaysa posibilidad. Sa ganitong kalagayan, nagiging mas katanggap-tanggap ang pamilyar na lungkot kaysa sa pag-asang maaari ding humantong sa panibagong pagkawasak.
Bihag sa Sariling Kanlungan
Madalas nating isipin na ang pagiging biktima ay isang sitwasyong nais takasan ng sinuman. Ngunit hindi lamang takot ang dahilan kung bakit may mga taong nahihirapang kumawala sa kanilang mga sugat. Sa ilang pagkakataon, may mga hindi sinasadyang benepisyo ring kaakibat ang pananatili sa isang masakit na kalagayan—isang konseptong tinatawag ng sikolohiya na secondary gain.
Ito ang tahasan at mapait na inamin ni alias Kiyo, 26, na ilang taon nang nakatengga matapos bumagsak sa isang licensure exam. Nagdulot ito sa kaniya ng matinding depresyon.
“No’ng una, ang sakit-sakit. Pero katagalan, napansin ko na kapag ako ‘yung ‘wasak,’ walang nag-e-expect na maging successful ako,” pagbabahagi niya na may halong pag-aalinlangan. “Kapag sinabi kong inaatake na naman ako ng trauma ko sa pagkabigo, titigil na silang magtanong kung kailan ako maghahanap ng trabaho. Naging safe space ko na ‘yung pagiging palpak. Kasi kapag sumuko na ako, wala nang pressure [na] patunayan ang sarili [ko].”
Hindi maikakaila na may mga pagkakataong nagiging isang nakaaadik na sandata ang atensyong ito. May mga taong katulad ni Kiyo na, nang matikman ang kalayaang maging kahabag-habag, ay tila nabaon na sa bitag ng pagiging biktima. Para sa ilan, nagiging pansamantalang silungan ang pag-unawa at pag-aaruga ng iba sa panahong hindi pa nila kayang harapin ang mga inaasahan ng mundo.
Subalit, kailangan natin ng malalim na pag-unawa rito: ang biktima ay biktima pa rin. Ang isang taong malungkot ay nananatiling malungkot, may nakukuha mang pansamantalang “ginhawa” mula rito o wala. Sa perspektibo ng sikolohiya, ang hindi pag-usad ay hindi palaging bunga ng kakulangan sa kagustuhan o disiplina, kundi maaari ding manipestasyon ng learned helplessness.
Hindi lahat ay biniyayaan ng magkakapantay na lakas ng loob at mental na kapasidad para harapin ang mundo pagkatapos ng isang matinding delubyo. Sa ilang pagkakataon, ang pananatili sa pamilyar na sakit ay nagiging paraan lamang upang maibsan ang reyalidad na hindi pa nila lubos na kayang harapin.
Ang Pagkabilanggo sa Dalawang Kabanata
Dahil nakatali na ang kanilang buong pagkatao sa trahedyang nangyari, lahat ng aspeto ng buhay nila ay ikinakategorya na lamang sa dalawang panig. Ang mga alaala ay laging nagsisimula sa “noong hindi pa nangyayari iyon…” at nagtatapos sa “…bago nasira ang lahat.”
Sa puntong ito, naglalaho ang sariling pagkakakilanlan. Hindi na nila nakikita ang kanilang sarili bilang mga indibidwal na may mga pangarap, kakayahan, at posibilidad. Bagkus, ang tanging nakikita na lamang nila ay ang bersiyon ng sarili na iniwan ng kanilang trauma. Ang dating makulay na kuwento ng kanilang buhay ay nagiging isang linyar na salaysay na lamang ng pagkawasak, kung saan ang bawat bagong karanasan ay pilit na isinisiksik sa makitid na lente ng kanilang nakaraan.
Totoo ngang hindi madaling buuin muli ang isang sirang sarili. Habambuhay mong dadalhin ang mga pilat ng nakaraang yumanig sa iyong pagkatao, at hindi kailanman magiging madali ang tumingin muli sa hinaharap nang walang bahid ng takot. Ngunit sa likod ng mapanghimok na tanong ng mundo na “Bakit hindi ka pa nagmo-move on?” ay naroon ang masalimuot, pabalik-balik, at madalas ay nakahihiyang reyalidad ng paghilom na hindi kailanman lubos na mauunawaan ng nakararami.
***
Sa huli, kailangan nating tanggapin na ang pag-usad ay hindi isang tuwid na daan. Karapatan nating masaktan. Karapatan nating magluksa. At higit sa lahat, karapatan nating maghilom sa sarili nating oras—gaano man ito kabagal o kailap.
Hindi kailangang magmadali para lamang matugunan ang kagustuhan ng iba. Sapagkat ang tunay na pagkabuo ay hindi nagsisimula sa pagkalimot sa sakit, kundi sa pagkilalang kahit tayo ay may mga lamat, may puwang pa rin ang bawat isa upang huminga, lumaban, at mabuhay—kahit pa ipalagay ng mundo na tayo ay huli na.
Originally published in Heraldo Filipino Volume 40, Issue 2
Art slider by Ken Amiel Parafina



